Filtered by: Newstv
NewsTV

Kilalanin si Victor Cobra, ngayong Huwebes sa 'Motorcycle Diaries'




Hindi pa man nag-aalmusal ay pumupunta na sa kagubatan sina Mang Roger at mga anak na si Roldan, dose anyos, at Rodel, siyete anyos.  Ang kanilang pakay, ang makakita ng pukyutan o pugad ng mga bubuyog.  Ibinebenta kasi nila ang pulot o honey na nakukuha rito.  Pero peligroso ang pagkuha ng pulot.



Bukod sa panganib na mahulog dahil nasa mataas na bahagi ng puno makikita ang mga pukyutan, napalilibutan rin ito ng mga bubuyog na handang umatake para ipagtanggol ang kanilang pugad na oras na makagat ng mga bubuyog ang tao, maari silang mapahamak.



Higit namang mapanganib ang kagat ng mga cobra. Ilang minuto lamang mula ng matuklaw ay maaaring ikamatay ng tao dahil sa lakas ng lason o venom nito. Pero sa kabila ng panganib, isang tao sa Davao ang kilala dahil sa panghuhuli ng mga makamandag na ahas na ito---siya si Victor Cobra.  



Sa mahigit tatlong dekada niyang panghuhuli ng cobra, kabisado niya na raw ang mga gawi at ugali ng ahas.  Pero maging siya ay minsan ng natuklaw ng cobra.  Ngayon, nanghuhuli siya ng cobra para magamit sa panggagamot ng kanyang mga kababayan.



Kilala ang grupong Moto X Davao sa mundo ng motocross.  Sa tuwing sumasali sila sa karera tila lumilipad sa ere ang kanilang motorsiklo matapos tumalon sa rampa.  Isang maling galaw ay maaaring mawala ang balanse sa paglapag ng motor at mauwi sa aksidente.



Pero sa kabila ng panganib, ang mas nakabibilib ay pito sa kanilang miyembro na gumagawa ng makapanindig balahibong stunt ay mga batang edad siyete anyos hangggang kinse anyos.  Sa murang edad ay sinasanay na ng mga professional rider ang mga bata.  At ang ilan sa kanila ay nakapag-uwi na ng maraming medalya at tropeyo.

Angkas na sa huling yugto ng ating Davao Expedition ngayong Huwebes 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!