Filtered By: Newstv
NewsTV

Bogart the Explorer, Ramon Bautista at iba pang internet stars, kilalanin sa 'Motorcycle Diaries'



Motorcycle Diaries

August 14, 2014
 
Sa pag-usad ng makabagong teknolohiya, hindi na nga lang daw sa radyo o telebisyon maaaring sumikat! Dahil sa isang click lang, maaari ka na ring gumawa ng pangalan sa internet at cyberspace!
 
Marami nang sumikat pero iilan lang silang patuloy na namamayagpag sa cyberworld; silang mga tinatawag na internet superstars! May kanya-kanya man silang istilo pero ang kanilang mga video, click sa panlasa ng mga netizens!  Si Mikey Bustos, nakilala sa kanyang mga video na naglalarawan ng kulturang pinoy, gamit ang kanyang “Filipino accent”.

Kinagiliwan naman ng mga netizens ang mgamisadventures ni Bogart the Explorer sa mga lansangan ng Maynila, na sumasalamin sa mga problemang patuloy na kinakaharap ng ating lipunan.  Marami ring naka-relate sa mga payo ng pag-ibig ng nag-iisang “internet action star” na si Ramon Bautista sa kanyang online love advice program na “Tales from the Friend Zone!”

Dumarami na ang mga pangalang unti-unting gumagawa ng ingay sa internet dahil sa kanilang ‘di matatawarang husay at talent.  Tulad na lang ng grupong Way5, isang up-and-coming Pinoy boy band na kinakikiligan ngayon ng kanilang libu-libong fans at followers sa social media.  Maituturing na rin ngayong twitter sensation si Clara Quiambao, ang tao sa likod ng twitter handle na @ohteenquotes.  Dahil sa kanyang mga quotes tungkol sa buhay at pag-ibig, napasama pa siya sa listahan ng Vulture Magazine na “30 people the Internet Needs to Know.”

Pero sa kabila ng mga nangangarap ng kasikatan, may ilang taong naging viral sa internet nang hindi inaasahan dahil sa ipinamalas nilang kabutihan at katapatan. Tulad ng taxi driver na si Maximo Aton na nagsauli ng mga naiwang gamit ng kanyang pasahero at dahil dito’y nabiyayaan ng swerte sa buhay. Marami rin ang naantig sa larawan ng MMDA enforcer na si Reynaldo Romano, kung saan makikita siyang nag-aabot ng pagkain sa isang kawawang batang-kalye.

Nakalulungkot mang isipin pero may ilan ding naging tampulan ng tukso sa internet; mga biktima ng tinatawag na cyberbullying.Sumikat noon si Macky Beki dahil sa kanyang nakatutuwang bersyon ng Gwiyomi.  Pero kung gaano siya kinagiliwan sa naturang video, ganun naman siya kinainisan ng mga netizens sa kanyang “prank call” video.  Kamakailan lang, pangungutya rin sa internet ang inabot ng deaf-mute na si Mininio Buhat dahil sa isa niyang post sa Facebook na may mali-maling grammar.  Paano nga ba sila bumabangon mula sa natanggap na panunukso mula sa online community?

Tuklasin natin ang mga natatanging kuwento sa likod ng mga video, larawan at pangalang naging viral at trending sa lumalawak na mundo ng social media, ngayong Huwebes, alas-10 ng gabi sa Motorcycle Diaries, sa GMA News TV!