Filtered By: Newstv
NewsTV

Iba't ibang mukha ng pag-ibig, tampok sa 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'



#SaHirapAtGinhawa
MOTORCYCLE DIARIES
July 24, 2014
 

May mga pag-iibigang pinatibay na ng panahon, at meron ding maagang sinubok ng pagkakataon.  Pero sa gitna ng minsa’y mapanghusgang mata ng lipunan, hanggang saan nga ba masusukat ang tatag ng isang pagsasama?
 
Nakaratay na sa kama matapos mai-stroke sa ikatlong pagkakataon ang otsenta anyos na si tatay Pablito.  Pero hirap at pagod man sa pag-aalaga, hindi sumusuko ang kanyang asawang si Lina.  Araw-araw, si nanay Lina na ang nagpapakain, nagpupunas at naglilinis ng higaan ni tatay Pablito.  Sa loob ng 46 taon nilang pagsasama, sabay nilang hinarap ang mga hamon ng buhay para maitaguyod ang lima nilang anak.  Sa isang espesyal na pagkakataon, kasama ng mga anak at mahal nila sa buhay, muli nilang sasariwain ang mga pangakong sinumpaan nila sa isa’t isa.
Tagahanga lang noon si Glen ng radio anchor na nakilala sa ere bilang si Larry King.  Pero sa isang pagtitipon, nagkakilala at nahulog ang loob ng dalawa sa isa’t isa.  Ngayon, 11 taon na silang nagsasama sa iisang bubong, at may tatlo nang anak-anakan.  Patuloy na namamayagpag ang karera ni Larry sa radyo, habang house husband naman ang nagsisilbing papel ni Glen.  Pero para sa kanilang mga anak, paano nga ang buhay na may mga magulang na pareho ang kasarian? Paano nito nahubog ang kanilang pananaw? At hanggang saan ang pagtanggap ng lipunan para sa mga gay couple na nagnanais bumuo ng isang kumpletong pamilya?

Madalas noong pagala-gala sa mga lansangan ng Pangil, Laguna si Ruth.  Bukod sa pagkakaroon ng sakit sa isip, ipinanganak siyang pipi at bingi.  Pero sa kabila ng kanyang kapansanan, nakahanap siya ng pag-ibig sa katauhan ni Victor.  Sa loob ng 20 taong pagsasama, nabiyayaan sila ng anak na ngayo’y 10 taong gulang na.  Binubuhay ni Victor ang kanyang mag-ina sa paglililok.  Siya rin ang nagpapakalma kay Ruth sa tuwing susumpungin ito ng kanyang karamdaman sa isip.  Hirap man silang magkaintindihan noon, tila nakapagbuo na raw ng sariling lenggwahe ang dalawa na tanging sila lang ang nakaka-unawa.

Sa halip na nagpapatuloy sa pag-aaral o nakakapaglibang tulad ng ibang kabataang kaedaran niya, maagang humarap sa responsibilidad si Liezel.  Sa edad na kinse, may isang buwang gulang na anak na si Liezel.  Sa bagong biyayang ipinagkaloob sa kanya, buo ang loob ni Liezel na palakihin ang kanyang anak, katuwang ang 18 anyos na ama ng bata na si Nonoy.  Paano hinaharap ng mga batang magulang ang mabigat na responsibilidad ng pagkakaroon ng pamilya sa mura nilang edad?  At paano nabago ng bagong silang nilang anak ang mga pangarap at pananaw nila sa buhay?
Tunghayan ang mga natatanging kuwento ng pag-ibig sa gitna ng pagsubok, ngayong Huwebes, alas-10 ng gabi, sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV!