Filtered By: Newstv
NewsTV
Iba't ibang pananaw ng mga nawalan ng paningin, tampok sa 'Motorcycle Diaries'
#paningin
MOTORCYCLE DIARIES SPECIAL
OCTOBER 17, 2013
Sa pagdiriwang ng World Sight Day at ng World Blindness Awareness Month ngayong buwan ng Oktubre, samahan si Jay silipin ang mundo sa mata ng mga taong nangangapa man sa dilim, ramdam pa rin ang kagandahan ng buhay. Ating aalamin ang mga pagsubok at hirap na kanilang pinagdaanan at nilampasan para magkaroon ng mas maliwanag na bukas.
Sa tikas at bilis tumakbo ng atletang si Aga, hindi mo iisiping bulag siya. Pagtuntong kasi niya ng labimpitong taong gulang, tuluyan nang walang nakikita ang pareho niyang mata. Nahirapan man siya sa simula, hindi niya hinayaang maging hadlang ang kapansanan para tuparin ang kanyang pangarap sa loob ng race track. Sa katunayan lumaban na rin siya sa isang International marathon.
Musika naman ang naging kanlungan ng bulag na mag-asawang Nante at Anna. Wala man silang paningin, umaapaw naman ang kanilang talento sa pagkanta. Sa katunayan ginagamit din nila ang kanilang musika sa pagbigay ng inspirasyon sa mga kapwa nila bulag.
Patuloy naman ang buhay sa bulag na magkapatid na Victor at Damian. Ang kakulangan sa paningin, pinupunuan ng magkapatid ng pagmamahalan at pagtutulungan sa bawat isa. Silang dalawa na lang din kasi ang namumuhay na magkasama. At para tugunan ang kanilang pangangailangan, magkatulong sila sa araw-araw na pangingisda.
Tulad ng magkapatid, hindi rin sumusuko ang sitenta’y singko anyos na si Lolo Deo. Wala man siyang nakikita buong buhay niya, kaya niya pa ring magsaka sa bukid ng walang umaalalay. Sa katunayan umaakyat pa siya ng puno ng niyog at ang mga bukong kanyang nakukuha... siya na rin ang nagbibiyak.
Tagumpay naman ang naabot ng mag-asawang masahista na Crisostomo at Myrna. Kung dati’y empleyado lang sila, ngayon sila na ang may-ari ng massage center. May balak na rin silang magbukas ng ilan pang massage center para mas marami pang matulungang kapwa bulag na kanilang binibigyan ng trabaho.
Tila maaga namang nagdilim ang kinabukasan ng batang si Mark ng aksidenteng masabugan ng pulburang pinaglalaruan ang kanyang mga mata. Pero sa kabila nito ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral gamit ang Braille System. Hirap man, pilit niyang sinasabayan ang mga kaklase na nakakakita.
Sa isang espesyal na paglalakbay, samahan si Jay pakinggan ang kuwento ng inspirasyon ng mga kababayan nating hindi man nakakakita, napagtagumpayan naman ang madilim na yugto ng kanilang buhay, ngayong Huwebes, 10pm sa Motorcycle Diaries sa Gma News TV Channel 11!
More Videos
Most Popular