Filtered by: Newstv
NewsTV

Pasig River ferry, solusyon ba sa trapik ng EDSA?



#pasigferry
MOTORCYCLE DIARIES SPECIAL
OCTOBER 10, 2013


Para maibsan ang mabigat na trapiko lalo sa mga lansangan ng Metro Manila, binuksan noong 2007 ang Pasig River Ferry Service. Anim na ferry boat ang babaybay sa labimpitong ferry station sa kahabaan ng Ilog Pasig mula sa Plaza Mexico sa Maynila, hanggang sa Pinagbuhatan Station sa Lungsod ng Pasig.  May telebisyon, kainan, comfort room at air conditioned ang lahat ng ferry boats. Bukod kasi sa ginhawang dulot nito sa mga pasahero, layunin din nitong palakasin ang turismo sa lugar.  Pero noong 2011, nagsara ang Pasig River Ferry Service.

Sa isang espesyal na biyahe, isasama tayo ni Jay na balikan at kamustahin ang mga ferry station pagkalipas ng dalawang taon mula nang matigil ang operasyon nito.  Samahan si Jay na baybayin ang ruta ng Pasig Ferry at tuklasin ang mga kuwentong natatago sa bawat istasyon.
 
Sa unang istasyon nakilala ni Jay si Nanay Gina.  Kasama niyang naninirahan sa Plaza Mexico station  ang mga anak at mga apo sa loob ng anim na taon.  Tanging mga karton ang kanilang panangga laban sa lamig ng sementong kanilang hinihigaan. Pero tuwing umuulan at tumutulo ang tubig, labis ang pangamba ni Nanay Gina para sa kalusugan ng apong sanggol.

Sa Escolta Station naman, isang grupo ng kabataan ang inabutan ni Jay. Noong masigla pa ang ferry service, binibigyan sila ng mga pasahero nito ng barya tuwing tumatalon sila sa Ilog Pasig. Sa mga tulad nilang naglayas at iniwan ang pamilya, ito lang daw ang kanilang paraan para kumita.  Pero mula nang mawalan ng mga turista at pasahero sa Escolta Station, nauwi sila sa panlilimos ng pangkain nila sa araw-araw. At sa paglipas ng taon, tulad ng mga bubong ng istasyon na kinakian ng kalawang, tila unti-unti na ring nilalamon ng masamang bisyo ang mga musmos na nakilala ni Jay. Karamihan sa kanila, sumisinghot ng solvent. Pero si Isabel, hindi pa rin nawawalan ng pag-asang maabot ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
 
Sa PUP station naman, mas nakita ni Jay ang nakapanlulumong kalagayan ng mge ferry station na ginastusan ng ilang milyong piso para maipatayo. Lubog na sa tubig at tinubuan na ng mga water lilies ang ilang parte ng istasyon. Kinain na rin ng kalawang ang ilang bahagi nito. May ilang satellite stations din na ipinatayo pero ni minsan hindi nadaungan ng mga ferry boats. Pero bukod sa istasyong ito na hindi nagamit, natagpuan rin ni Jay ang anim na ferry boats na nakatiwangwang na lang sa isang bahagi ng ilog pasig.

Samahan si Jay na muling baybayin ang ilog na dinadaanan ng Ferry service noon at alamin ang dahilan sa paghinto ng operasyon nito, ngayong Huwebes, 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!