Filtered By: Newstv
NewsTV

#Tulay sa 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'



#tulay

MOTORCYCLE DIARIES SPECIAL
September 26, 2013
 
“Nung nakita ko yung kable ayoko talaga tumawid kasi kinakabahan nga ako, kasi siguro yung mga bata pwede kasi magaan eh. Pero nung ikinumpara ko yung tangakad ko, yung bigat ko, tapos yung skills ko… baka sumablay ako. Isang dulas mo laglag ka eh.”  ---Jay Taruc
 
Sinasabing ang karunungan ang pinakamahalagang yaman at ang pagkamit nito ay tulad sa isang paglalakbay.  Para sa marami sa atin, maituturing na isang mahaba at masalimuot na paglalakbay ang makapagtapos ng pag-aaral.  Pero para sa ilang estudyanteng nasa kabundukan…  may kaakibat ding panganib ang daang kailangan nilang tahakin tungo sa karunungan.  At pawang determinasyon ang nagsisilbi nilang tulay para makamit ang edukasyong inaasam nila.

Araw-araw kailangang tumawid ng ilog ng magkapatid na Aldrin at anthony para makapasok sa paaralan.  Dahil kadalasan ay walang  pambayad sa bangkang masasakyan…  sa loob ng siyam na taon, ang dalawang kable ang madalas na nagsisilbing tulay ng pamilya niya para makatawid sila sa kabilang dako ng ilog.  Lalo na kapag tumataas ang tubig at lumalakas ang agos sa ilog tuwing umuulan.

 Lula at ngawit ang kalaban ni Aldrin tuwing tumatawid sa kable kaya naman hindi nawawala ang kaba niya tuwing tumutulay rito. Nadadagdagan pa ang kanyang pangamba sa tuwing lumalakas ang hangin. Sa kanyang taas, hirap siyang abutin mula sa tinutuntungang kable ang kableng kailangan niya namang hawakan. May limang talampakan kasi ang pagitan ng mga ito kaya naman batak na batak ang kanyang katawan sa tuwing tumutulay.
Ang nuwebe anyos naman niyang kapatid na si Anthony, kailangan pang pasanin ng kanilang ama na si Mang Ian dahil hindi talaga maabot ng bata ang kableng kailangan hawakan. Mahigpit ang kapit ni Anthony sa ama habang doble ingat naman sa pagbalanse si Mang Ian tuwing tumutulay sila sa kable.

Sa isang baranggay sa mabundok na bahagi ng probinsiya ng Rizal, maagang bumabangon ang magkapatid na Elmer at Kristine Joy.  Hindi pa man sumisikat ang araw ay naglalakad na sila pababa ng bayan para pumasok sa eskwela.  Grade six pa lang ang kinse anyos na si Elmer habang nasa high school na ang mas nakababatang si Kristine.  Halos isang oras din kasi ang lalakarin ng magkapatid sa madulas at maputik na daan pababa ng bayan.  Pero ang mas mabigat nilang kalbaryo para makarating sa kanilang paaralan… ang pagtawid sa ilog.  Karaniwang nagbabalsa o nagbabangka ang magkapatid.  

Angkas na at kapit ng mahigpit sa bawat biyahe ni Jay, dahil sa bawat kanto, may natatagong kuwento.
 
Samahan si Jay sa isang paglalakbay sa buhay ng mga batang handang magsakripisyo at tawirin ang anumang balakid para lamang makapag-aral, ngayong Huwebes, 10PM sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!