Filtered By: Newstv
NewsTV

Ipinagmamalaking baluko ng Sorsogon, titikman sa 'Motorcycle Diaries'


MOTORCYCLE DIARIES
Bicol Expedition Part 6
June 20, 2013
 
Sa pagpapatuloy ng ating biyahe sa ika-anim na yugto ng Bicol Expedition, makikilala naman natin ang mga pamilyang tanging sa yaman ng karagatan ng probinsiya ng Sorsogon umaasa.
 
Kilala ang Sorsogon sa baluko, isang shellfish na sa dagat lamang nito matatagpuan. Maituturing na higanteng shellfish ang baluko dahil sampung beses ang laki nito kumpara sa tahong.  Sa bayan ng Casiguran, sumisisid si Mang Baris para suyurin ang kailaliman ng dagat sa paghahanap ng baluko.  Panganib ang kaakibat ng ilang beses niyang pagsisid at pagahon sa loob ng apat na oras dahil wala siyang gamit na anumang aparato para makahinga sa ilalim.  Karaniwang tatlong minuto lang ang itinatagal niya sa  pagsisid.

Pero kung si Mang Baris nakasalalay sa tatag ng kaniyang baga ang itatagal sa ilalim ng dagat, may mga mangingisda naman na gumagamit ng compressor sa pagsisisid, tulad ni Mang Jojo.  Malaking tulong daw sa pagsisid ang compressor dahil hindi bababa sa dalawampung minuto ang kayang itagal ni Mang Jojo sa ilalim. Pero bawat pagsisid niya gamit ang compressor… peligro ang kakabit. Sa mga pag-aaral kasi, ilan sa mga epekto ng compressor fishing sa kalusugan ay pagkabaldado at kamatayan.

Tatlumpung piso lamang kada kilo naibebenta nina mang Baris, mang Jojo at ng iba pang mga mangingisda sa Sorsogon ang baluko. Pero kapag hinain na ito sa mga restaurant sa Metro Manila, umaabot ng hanggang dalawandaang piso ang kada order ng baluko. Hindi na pinalagpas ni Jay ang pagkakataon, samahan siyang tikman ni ilang lutong Bicolano ng shellfish na ito - ang Crispy Baluko at Adobong Baluko sa Gata.

May mga mangingisda namang may kakaibang paraan ng panghuhuli sa bayan ng Gubat. Sa halip kasi na gumamit ng lambat o pamingwit… ang gamit nila, isang uri ng bungangkahoy na tinatawag nilang tuba.  Tuwing lowtide, hinahalo nila sa tubig ang dinikdik na bunga ng tuba para malasing ang mga isda.
 
Ginagalugad naman ni Manuel ang isang sapa na napaliligiran ng halamang nipa para manghuli ng hipong pukot.  Kinakapa niya ang maputik na ilalim ng sapa para bulabugin ang pukot papunta sa kanyang lambat.  Suwertihan daw kung makarami siya ng pukot. Kadalasan kasi minamalas pa siya dahil bukod sa kakaunti ang huli, nagbabagsakan pa ang mga langgam mula sa mga halamang nipa na masakit mangagat. 
 
Kamustahin ang mga kababayan natin mangingisda at alamin ang mga pagsubok na kanilang pinagdadaanan sa ika-anim na yugto ng ating Bicol Expedition ngayong Huwebes, 10pm sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11.
Tags: plug