Mga butanding sa Sorsogon, tampok sa 'Motorcycle Diaries'
MOTORCYCLE DIARIES
Bicol Expedition Part 5
June 13, 2013
Sa ikalimang yugto ng ating Bicol Expedition, sunod na nating iikutin ang huling probinsiya sa Bicol Peninsula, ang lalawigan ng Sorsogon. Dito masisilayan ang ganda ng mga natatangi nitong pasyalan at makikilala ang kahanga hanga nating mga kababayang Bicolano.
Sa bayan ng Camalig sa Albay matatagpuan ang nag-iisang “Sili King.” Kinilala siya ng buong mundo ng mapabilang sa Guinness Book of World Records bilang tao na kumain ng pinakamaraming siling labuyo. Tatlong daan at limampung pirasong sili lang naman ang kanyang nginuya at kinain sa loob lamang ng tatlong minuto. Pero hindi lang pala pagpapak ng labuyo ang kanyang talento, isa rin pala siyang alagad ng sining. Bago pa man kasi siya makilala bilang “Sili King” mahusay na siyang gumuhit at magpinta.
Pagtawid natin sa probinsiya ng Sorsogon, first stop ang bayan ng Donsol! Dito kasi matatagpuan ang pinakamalaking isda sa buong mundo, ang mga whale shark o mas kilala sa lugar sa tawag na butanding. Sa ikalawang pagkakataon, susubukan ni Jay na muling makita ang mga butanding. Kasabay ng paglalayag na ito sa dagat ng Donsol, makikilala rin ni Jay ang bangkerong may polio na sa kabila ng kapansanan ay mababakas ang determinasyon na maging kapaki-pakinabang. Hirap man sa paglalakad ay nagagwa niya pa ring magtrabaho para makatulong sa kanyang pamilya.
Sa murang edad na labindalawang taong gulang, sumabak na ang batang si Papa-o sa pagiging kargador sa palengke ng bayan ng Pilar. Imbes na pumasok sa eskwela, araw-araw siyang nag-aabang ng mga bangkang galing sa pangingisda para magbuhat ng mga banyera ng isda. Hindi bababa sa pitumpung kilo ang bawat banyera, kaya naman katulong niya sa pagbubuhat ang kanyang ama maysakit. Minsan na itong naoperahan ng magkaroon ng bukol sa balikat dahil sa pagbubuhat. Sa kabila nito, hindi daw siya hihinto sa pagiging kargador, ito lamang daw kasi ang kanilang inaasahang pagkakakitaan.
Isang grupo naman ng mga kahanga-hangang kabataan ang ating makikilala. Mga pasaway, repeater sa klase at mga batang kalye… ganito nakilala ang grupo nila Brylle at Ata sa kanilang komunidad. Pero noon daw iyon dahil ibang-iba na sila ngayon, lalo pa tuwing sumasabay sila sa alon sakay ng surfboard! Tila hari ng mga dagat ang mga batang ito dahil sa husay at tikas ng porma tuwing nagsusurfing. Ngayon nagsisilbi na silang inspirasyon sa nakararami.
Tunghayan ang mga kuwento ng inspirasyon at pagsisikap sa ikalimang yugto ng ating Bicol Expedition ngayong Huwebes, 10pm sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!