Filtered By: Newstv
NewsTV

Deer farm at beer spa, dadayuhin ni Jay Taruc sa 'Bicol Expedition'


MOTORCYCLE DIARIES
Bicol Expedition Part 3
May 30, 2013

 
Mula sa probinsiya ng Camarines Sur, tatawid na tayo sa probinsiya ng Albay sa ikatlong bahagi ng Bicol Expedition ng Motorcycle Diaries!
 
Pero bago tumulak ng Albay, isang kakaibang farm ang bibisitahin ni Jay sa paanan ng Mt. Isarog sa bayan ng Ocampo sa Camarines Sur.  Pagtuntong sa farm, mistulang nasa ibang bansa ka dahil imbes na baka, kalabaw, baboy o manok, mga usa ang inaalagaan at pinararami rito.  Mula animnapung Rusa Deer, umaabot na ngayon sa tatlong daang usa ang malayang nakagagala sa sampung ektaryang Deer Farm.  Makakasalamuha ni Jay si “Dodong,” ang pinakamatanda pero pinakamaamong usa sa farm.

 
Sa Lake Buhi matatagpuan ang pinakamaliit na commercial fish sa buong mundo, ang sinarapan!  Sa haba nitong hindi lalampas sa labingtatlong milimetro o sing-laki lang ng baryang singko, ito ang pinakamaliit na isdang maaaring kainin ng tao.  Pero nanganganib na raw maubos ang isdang ito dahil sa overfishing.

 
Isang nagbabagang misteryo ang sumalubong sa amin sa pagtawid ng Albay.  Dahil sa bayan ng Libon, matunog ang kuwento ng nag-aapoy na tubig sa lugar.  Maaari rin daw magluto sa nagliliyab na tubig.  Taong 1962 nang madiskubre ang tinaguriang flaming water ng Libon at hanggang ngayon, buhay pa rin ang natural phenomenon na ito sa lugar. 
 
Lingid sa kaalaman ng karamihan, hinango ang Tabaco City sa salitang ‘tabak’ na tawag ng mga bicolano sa bolo.  Sa ngayon, patuloy ang pagtalas ng industriya ng paggawa ng tabak sa lungsod.  Espesyal daw ang ilang tabak na ginagawa dito dahil ang hawakan gawa sa pinatuyong sungay ng kalabaw--- Ito ang sinadya ng grupo sa Tabaco City.


Isang spa naman ang dinadayo sa Tabaco City.  Sa halip kasi na itagay ang beer dito, ipinapanligo nila ang serbesa sa spa.  Hinahaluan ng beer ang tubig sa jacuzzi na paglulubluban ng mga tao sa kanilang beer body spa.  At beer din ang sikretong sangkap sa kanilang hair spa at foot spa.  Bukod raw sa nakaka-relax,  nakapagpapalambot daw ito ng buhok at ng balat.

 Kakamustahin naman ni Jay sa bayan ng Malinao si Mang Boy na unang nakilala ng grupo noong Agosto noong nakaraang taon.  Ito ay matapos namin gawin ang mga kuwento ng mga taong lumuwas sa siyudad para makipagsapalaran.  Dose anyos pa lang siya noong mapadpad sa Maynila at sa loob ng apatnapung taon, naging palaboy siya sa kalsada. Kadalasan wala siyang makain at natutulog lamang siya sa gilid ng kalye o sa creek.  Kaya ang tangi niyang hiling noon ay makabalik sa probinsiyang sinilangan.  May mga nagmagandang loob na nakapanood ng kuwento ni Mang Boy na tumulong para makauwi siya ng Bicol. Ngayong kapiling na niya ang kanyang pamilya sa Bicol, kakamustahin ni Jay si Mang Boy.

 Tunghayan ang mga kakaibang pasyalan, ipinagmamalaking industriya at  maging ang kuwento ng mga kababayan nating magayon at uragon sa ikatlong yugto ng ating Bicol Expedition ngayong Huwebes, 10pm sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!
Tags: plug