Filtered By: Newstv
NewsTV

Pakinggan ang kuwento ng mga minero sa 'Motorcycle Diaries ni Jay Taruc'


MOTORCYCLE DIARIES
 “Balon de Peligro”
May 9, 2013
 
Ngayong huwebes, sa isang natatanging paglalakbay, susuungin ni Jay ang madilim at mapanganib na mundo ng mga minero sa kailaliman ng lupa.
Sa baybaying bayan ng Paracale sa Camarines Norte, imbes na pangingisda ang kabuhayan ng mga residente, dikit-dikit na kubol ang agad na makikita sa pampang.  Bal-unan ang tawag nila sa mga kubol na ito na nagkukubli ng malalim na hukay na pinagmiminahan nila ng ginto.
 
Karaniwang dito nagtatrabaho ang mga kalalakihan.  Mambabalon ang tawag sa mga minerong tulad nila.  Wala silang takot na lumulusong sa makitid na balon na kadalasang may lalim na umaabot sa labingpitong dipa o sintaas ng sampung palapag na gusali.  Bukod sa paghuhukay gamit ang maso at muwelyo, ang iba’y nagtatanim ng dinamita sa mga matitigas na batong posibleng may ginto, o tinatawag na bita.
Tila wala ring edad na pinipili ang kabuhayang ito ng mga taga Paracale.  Dito nakilala ni Jay ang sitenta’y singko anyos na si “Lolo Julio” kasama ang labimpitong taong gulang na si “Aldrin.”  Madilim at mainit sa balon habang lumalalim.  Pero higit dito mas pinangangambahan nina Aldrin ang peligro ng lason sa hangin.  Para tumagal sa ilalim, binubugahan sila ng hangin mula sa blower sa ibabaw ng hukay o kaya naman ay gumagamit sila ng compressor.
 Anumang oras maaari ring gumuho ang lupa.  Minsan nang naipit sa gumuhong lupa ang ama ni aldrin. Suwerte na raw at nailigtas pa ito ng mga kasamang mambabalon.  Pero hindi lahat mapalad.  Sa katunayan noong nakaraang taon, ilang minero ang nasawi sa Paracale sa magkahiwalay na insidente ng pagguho.
 
Pumanaw din ang asawa ni Nanay Mis ng gumuho ang balong pinagmiminahan nito.  Dahil sa insidente, naisangla ni Nanay Mis ang kanilang bahay at lupa.  Mula noon, naninirahan na lamang sa dating kural ng baboy sina Nanay Mis at ang anak na si Zaldy, kasama ang mga alagang aso at bibe.  Sa kabila nito hindi pa rin nila maiwan ang minahan. Ito na lamang kasi ang kanilang inaasahan para kumita at malamnan ang kumakalam na tiyan.  Hindi man sila bumababa sa balon, namumulot at nanghihingi na lang sila sa mga mambabalon ng batong posibleng may ginto o bita, sa pag asang makakuha kahit kakarampot na butil ng ginto.
Samahan si Jay na saksihan at pakinggan ang kuwento ng buhay ng mga residente ng Paracale na tila ibinabaon ang isang paa sa hukay makahango lang ng inaasam na yaman sa kalaliman ng lupa ngayong Huwebes, 10pm sa Motorcycle Diaries sa GMA News TV channel 11!
Tags: plug