Filtered By: Newstv
NewsTV
Tibagan ng marmol at gemstones, dadayuhin ni Jay Taruc sa 'Motorcycle Diaries'
Ngayong Huwebes, sa ikalimang yugto ng biyahe natin sa isla ng Panay, bibisitahin ni Jay ang ilang bayan sa probinsiya ng Aklan at Antique kung saan ilang natatanging pamilya ang ating makikilala.
Sa bayan ng Libertad, pagtitibag ng marmol ang ikinabubuhay ng karamihan ng residente. Pagputok pa lang ng araw umaakyat na ng bundok ang pamilya Ebon para magtibag ng marmol. Para makarami ng batong matitibag, isinasama ni Mang Felipe ang asawa at anak sa marmolan. Bawat isa may naka-tokang trabaho. Dito na sa tibagan ng marmol lumilipas ang buong araw nila.
Naggagandahang gemstones naman ang pinagkakakitaan ng isang pamilya sa bayan ng Sibalom. Buong araw nilang tinitiyaga ang paggalugad sa isang ilog para mamulot ng hiyas. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay sinusuwerte silang makakita ng hiyas na kanilang inaasahan maibenta para may maipambili ng pagkain.
Isang pamilya naman ang buong tapang na nakikipaglaban sa sakit na dystonia sa bayan ng Kalibo. Hirap nang lumakad ang magkapatid na Luisito at Wilberto dahil sa kondisyon na ito. Pero hindi ito hadlang para dumiskarte sila para malamnan ang kumakalam na tiyan. Tila kalbaryo man pinipilit pa rin nilang makalakad para makapanlimos sa matataong lugar.
Sa bayan naman ng Madalag, isang pamilya ang nakikipagsapalaran sa pagkain ng nakalalasong lamang ugat – ang kayos. Matapos hugasan ng ilang beses, ibinababad ni Mang Ronel ng tatlong araw sa umaagos na tubig ang kayos para matanggal umano ang lason. Bagamat may ilan ng namatay sa pagkain nito, hindi alintana ni Mang Ronel ang peligrong dulot ng kayos magkaroon lamang ng pagkain sa hapag na kanilang pagsasaluhan ng mga anak.
Huwag bibitiw sa ating Panay Expedition at pakinggan ang mga kuwento ng pamilyang nasadlak man sa kahirapan at tinamaan ng matinding karamdaman ay mas lalo namang tumibay ang samahan. Lahat ng iyan sa Motorcycle Diaries ngayong Huwebes, alas diyes ng gabi sa GMA News TV Channel 11!
Tags: plug
More Videos
Most Popular