Filtered By: Newstv
NewsTV

Daanan ng baha sa Metro Manila, susundan ni Jay Taruc


Daanan ng baha sa Metro Manila
December 07, 2012
Sabi nga nila, Waterproof ang Filipino spirit. Sanay na nga raw tayong mga Pilipino sa delubyong dala ng masamang panahon, tila pinatatag na tayo ng mga bagyong ating pinagdaanan.  Pero sa kabila ng ating kahandaan, may mga pagkakataong hindi pa rin tayo nakasasabay sa mabilis na pagtaas ng tubig. Tuwing tag-ulan, lumulubog sa baha ang ilang lugar sa Metro Manila at mga karatig probinsiya.     Ngayong Biyernes, tatahakin ni Jay ang rutang dinadaluyan ng tubig at papakinggan niya ang mga kuwento ng mga residenteng nakatira sa paligid ng daan.  Magsisimula ang biyahe ni Jay sa bulubunduking lalawigan ng Rizal kung saan kakamustahin niya ang mga residente na gumuho ang bahay dahil sa landslide na sanhi ng pag-agos ng tubig.   Mula Rizal, susundan ni Jay kung saan dumadaan ang tubig ulan pababa saMarikina river.  Pupuntahan naman ni Jay ang mga residenteng nawalan ng tahanan ng rumagasa ang malakas na agos ng tubig dito.  Tila bangkang papel na nilamon ng tubig ang kanilang mga bahay na itinayo malapit sa ilog.     Bukod sa mapanganib para sa mga residenteng manirahan sa ilog at iba pang waterways, nakakasagabal din sila sa daloy ng tubig. Sa kabila nito, libu-libong pamilya pa rin ang nagsisiksikan sa daluyan ng tubig.     Tuwing bumubuhos ang ulan, ang Laguna de Bay ang nagsisilbing pansamantalang imbakan ng tubig para maibsan ang baha sa Metro Manila.  Dito kasi bumabagsak ang mga tubig na galing sa Marikina River.  Dahil dito, ang mga bayan naman sa paligid ng lawa ang lumulubog tuwing umaapaw ang Laguna de Bay.       Sa gitna ng malakas at tuloy-tuloy na buhos ng ulan dala ng hagupit ng habagat,susuriin ni Jay sa tulong ng mga eksperto ang mga programa at proyektong inilunsad ng pamahalaan para matugunan ang problema sa baha.     Samahan si Jay na kilalanin ang mga pamilyang apektado ng baha at pakinggan ang kanilang mga kuwento. Alamin kung paano sila bumabangon sa hagupit ng trahedya ngayong Biyernes, 8pm sa Motorcycle Diaries sa GMA NewsTV channel 11.
Tags: plug