Filtered By: Newstv
NewsTV

'Motorcycle Capital of the Philippines,' dadayuhin ni Jay Taruc


MOTORCYCLE DIARIES EXPEDITION SERIES NEGROS PART 3

Tuloy-tuloy ang ating pag-arangkada patimog sa ikatlong yugto ng ating Negros Expedition. Mula Negros Occidental tatawid na si Jay patungo sa Negros Oriental.

Niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang isla ng Negros nitong Pebrero. Ilan sa pinaka napinsalang mga bayan ang Guihulngan, La Libertad, Jimalalud at Tayasan.

Sa bayan ng La Libertad, narating ni Jay ang isang komunidad na tinaguriang “Tent City.” Isang lugar kung saan naninirahan ang mga napinsala ng lindol sa mga bahay na gawa sa tent.  Dahil nilamon na ng lupa ang bahay na tinitirhan nila noon, ang mga tent na ang nagsisilbing tahanan ng mga tao rito mula pa noong Pebrero.

Sa “Tent City” nakilala ni Jay ang mga kababayan nating Negrense na bumangon at nananatiling matatag sa kabila ng matinding dagok dulot ng kalikasan.  Katulad ni Lolo Nanding na isa sa lubhang nasaktan sa nasabing pagguho matapos madaganan ng malaking tipak ng bato ang kanang paa.  Habang si Merlyn, walong kamag-anak ang natabunan ng pagguho at hindi na natagpuan pa.

Sa bayan naman ng Tayasan, sinira ng pagyanig ng lupa ang  gusali ng Matauta Elementary School.  Gumawa ang mga guro, magulang at mga mag-aaral ng pansamantalang classroom sa ilalim ng lilim ng mga puno para maipagpatuloy lamang ang pag-aaral.  Nilamon man ng  lupa ang kanilang paaralan, hindi naman naisamang naibaon ang pangarap at determinasyong  makapag-aral ng mga estudyante.

Sa Dumaguete City naman na tinaguriang “Motorcycle Capital of the Philippines,” makakasalamuha ni Jay ang mga miyembro ng Road Runners, mga dayuhang bikers na mas piniling manirahan na lamang sa Pilipinas. Kanilang iikutin ang Dumaguete City sakay ng motorsiklo.  Matapos mag ikot sa Dumaguete, titikman naman nila Jay ang ipinagmamalaking kakanin ng Negros Oriental, ang Sansrival!

Huwag bibitiw, kapit ng mahigpit at umangkas na mga kabiyahe sa ikatlong yugto ng aming month-long series ng Negros Expedition ngayong Biyernes, alas-otso ng gabi (8PM) sa GMA News TV channel 11!

Tags: plug