Filtered By: Newstv
NewsTV

Panganib at pagsisikap: Ang kuwento ng mga batang manggagawa


Maliliit man ang kanilang pangangatawan, tila pinatatanda ng kanilang inaakong responsibilidad ang mga batang manggagawa dahil sa hirap ng buhay.   Sa katatapos lang na serye ng “Motorcycle Diaries ni Jay Taruc” sa GMA News TV, sinamahan ni Jay ang ilang “Batang Manggagawa” sa kanilang araw-araw na pakikipagsapalaran.   Ito ang kanilang kuwento.   Jaymark: Batang uling Ang ibang bata, palaruan ang tingin sa dagat; ngunit para sa 11 taong gulang na si Jaymark, ito ang lugar kung saan siya naghahanap-buhay. Alas-singko ng madaling araw gumigising si Jaymark para mag-isang pumalaot. Pakay niya ang mga lumulutang na piraso ng kahoy na maari niyang gawing uling.   Hindi biro ang hirap na tinitiis ni Jaymark at ng mura niyang katawan. Bukod sa mag-isang pagtutulak ng bangka sa laot, mag-isa rin niyang binubuhat ang kanyang sako ng naipong kahoy, na minsa’y umaabot sa bigat na 20 kilo.   Pagkatapos matuyo ng mga naipong kahoy ni Jaymark, siya rin mismo ang nagsisiga at nagpapausok ng mga ito.  Sa payat ng kanyang pangangatawan, hindi mo maiiwasang mag-alala sa kalusugan niya.   Nagsimula raw si Jaymark sa pag-uuling noong pitong taong gulang pa lamang siya. Dalawang taon na rin siyang hindi pumapasok sa paaralan. Kaswal na ikinuwento ni Jaymark kay Jay Taruc na minsa’y nasusugatan siya kapag nakakaapak ng bato o pako sa ulingan, na para bagang normal lamang na mangyari ito sa isang batang gaya niya.   Alvin: Batang kawag-kawag Kakaiba ang diskarte ng munting mangingisdang si Alvin. Sa halip na bangka, pinagtagpi-tagping styropor ang nagsisilbing balsa ng 12 taong gulang na bata; isang piraso ng plywood naman ang sagwan niya.   Kasama ng mga kaibigan, naglalayag si Alvin nang alas-kwatro ng madaling araw. Nilalapitan nila ang bangka ng mga mangingisda para manghingi ng isda. Mabait ang ilang nakatatandang mangingisda dahil sila rin ay minsan nang naging batang kawag-kawag.   Sadyang mapanganib ang buhay ng batang kawag-kawag. Paminsan-minsan daw, tumataob ang mga balsang styropor. May pagkakataon din daw na muntik na silang masagasaan ng malalaking bangka.   Wika ni Jay, “Si Alvin, napakapayat [ng] pangangatawan. Minsan iniisip ko [kung] paano niya natitiis ‘yung lamig sa madaling araw. Kahit sabihing matatag ang pangangatawan niya, bibigay rin ‘to dahil hindi masustansya ang kinakain niya eh.”   Tenten at CK: Kanal boys Tanghali na kung magsimula ang siyam na taong gulang na si Tenten sa paninibak, o pagkuha ng bote mula sa mga nakaparadang truck sa pier. Kasama niya rito ang kaibigang si CK, na 11 taong gulang.   Ipinagbabawal ang paninibak, at delikado ang gawaing ito kapag biglang umandar ang truck at ‘di pa nakakababa ang mga bata. “May nasagasaan na po rito,” kuwento ni CK kay Jay. “Pagkatalon niya [mula sa sinasakyang truck], biglang may dumaan na truck tapos nasagasaan ‘yung ulo.”   Mulat man sila sa panganib na pinasok nila, ginagawa raw nila ito dahil sa hirap ng buhay. “Wala kaming pera,” dagdag ni Tenten. Kung kulang sa timbang ang mga nakuhang bote, hindi nila ito agad maibebenta; kaya matapos ang paninibak, lulusong naman sila sa maputik at maitim na kanal upang maghanap ng barya.   Minsan pa nga’y muntikan nang malunod sa kanal si Tenten. Kung hindi siya nailigtas ni CK, marahil ay namatay na siya. Tanong ni Jay sa mga bata, “Ano sa tingin niyo ang mga nahuhulog diyan sa kanal?” “Mga tae!” sabi nila, sabay tawa. Nakalulunos isiping sa ngalan ng barya, lumalangoy sa dumi ang mga paslit kagaya nina Tenten at CK.   Sa kalahating araw ng pagkakalkal ng kanal, dalawang piso lamang ang napulot ni Tenten—ang isa pa rito, nawala nang mahulog muli sa kanal.   ‘Nonong’: Batang bubog Siyam na taong gulang si “Nonong” (hindi niya totoong pangalan). Nagtatrabaho ang buong pamilya niya sa isang bodega ng bote, kung saan araw-araw nilang binabasag ang mga gamit na bote bago ipadala sa mga recycling plant. Tinatayang pito hanggang 10 tonelada ng bote ang kailangan nilang basagin kada linggo.   Telang guwantes ang tanging panangga ni Nonong laban sa matatalas na bubog at matitigas na bakal na pinamumukpok sa mga ito. Wala rin siyang panangga sa mga mata niya. Nang tanungin kung natatalsikan siya ng bubog sa mata, sagot niya, “Minsan lang po.” Tuwing nasusugatan naman siya sa kamay o paa, tinatalian niya na lang daw ito.   Dahil sa pangangailangan sa pera, maraming karapatan ang naipagkakait kay Nonong. Dahil hindi na siya nakapag-aaral, hirap na hirap siyang magbasa.   Matapos makausap ni Jay si Nonong, ito ang sinabi niya: “Pagpasok mo pa lang do’n sa bodega, hindi mahirap isiping nalalagay sa alanganin ‘yung kalusugan ng isang bata. [Ang bodega ng bote] ay isa sa pinakamasahol na lugar kung saan pwedeng magtrabaho ang isang paslit.”