Filtered By: Newstv
NewsTV
Mga maruruming ilog, tampok sa 'Motorcycle Diaries!'
MARURUMING ILOG
September 28, 2012
Ang ilog ay buhay. Saksi dito ang kasaysayan. Sa mga ilog itinayo ang mga sinaunang pamayanan. Bukod sa pinagkukunan ng ikabubuhay ng mga tao noon, ang mga ilog rin ang nagsilbing daan sa unang transportasyon ng mga mangangalakal ng mga produkto na nagtulak sa pag-usad ng komersyo.
Pero sa paglipas ng panahon, ang ilog na punong-puno ng buhay noon, unti-unting nang namamatay dahil sa kapabayaan ng mga tao.
Ngayong Biyernes, tatahakin ni Jay ang rutang dinadaluyan ng tatlo sa pinakamaruruming ilog sa buong mundo na matatagpuan sa Pilipinas. Tutuklasin ni Jay ang mga dahilan sa likod ng pagdumi ng mga ilog at papakinggan niya ang mga kuwento ng mga residenteng nakatira sa paligid nito.
Sa Paranaque River, makikilala ni Jay ang magkapatid na kambal na lumulusong sa maruming tubig para manguha ng bote at plastic. Hindi alintana ng mga paslit ang panganib sa kanilang kalusugan ng maitim na tubig. Kasama ang 30 pamilya, nakatira ang mag-anak ng kambal sa mga barong-barong sa gilid ng ilog na tinaguriang “apartment.” Isa lamang ang apartment sa mga komunidad na direktang nagtatapon ng basura sa Paranaque river.
Sasadyain rin ni Jay ang Marilao-Meycauyan-Obando River System sa Bulacan. Sakay ng bangka at kasama ang mga eksperto, babagtasin ang ilog para alamin ang iba’t ibang sanhi ng polusyon dito. Bukod sa pabrika, babuyan, at landfill sa ilog, nalaman ni Jay na ang ilang residenteng may-ari ng mga palaisdaan, gumagamit ng sodium cyanide – isang kemikal na nakalalason na pinakakawalan sa ilog.
Minsan namang naging laman ng balita ang Ilog Pasig dahil sa dami ng basurang lumulutang dito noon. Pero sa pagdaan ng mga taon at ilang mga proyekto, unti-unting nabibigyang buhay muli ang dating maitim na ilog. Ano nga ba ang magagawa ng mga mamamayan para ibalik ang dating sigla ng mga ilog at mapanatili ang kalinisan nito? Ano ang mga programa ng pamahalaan para pangalagaan at protektahan ang likas yamang ito?
Samahan si Jay sa isang makabuluhang biyahe para pangalagaan ang kalikasan ngayong Biyernes, 8pm sa Motorcycle Diaries sa GMA NewsTV channel 11!
Tags: plug
More Videos
Most Popular