Filtered By: Newstv
NewsTV

Baha: Mga kuwento at solusyon


Taun-taong binabayo ang Pilipinas ng mga bagyo, at kaakibat nito ang kaliwa't kanang pagbaha. Noong taong 2009, lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila dahil sa bagyong Ondoy. Noong 2011 naman, halos 1,000 katao ang namatay nang manalasa ang bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at Central Visayas. 
  Hindi panandalian ang epekto ng baha. Hanggang ngayon, bakas sa ilang komunidad ang pananalasa ng tubig-baha. 
   
Nang lumipat ang pamilya ni Antonio Guray sa isang subdivision sa Montalban, Rizal, hindi nila alam na dating daluyan ng tubig ang kinatitirikan ng bahay nila. Nagulat na lang daw sila nang isa-isang gumuho ang mga bahay sa lugar nila.   “Akala ko may nagwawala [kaya maingay],” kuwento ni Mang Antonio sa programang "Motorcycle Diaries." “Nang lumabas ako, nagbabagsakan na pala 'yung mga bato.”   Marami na ang lumisan sa kanilang subdivision na Montalban Heights, subalit may ilang pamilyang piniling manatili sa sira-sira nilang bahay. Isa na rito si Aling Mercy. Nabutas ang pundasyon ng bahay niya, at kitang-kita ang pag-agos ng tubig sa ilalim nito.   Tinanong siya ng "Motorcycle Diaries" host na si Jay Taruc kung bakit hindi pa umaalis ang pamilya nila sa Montalban. Sagot ni Aling Mercy, “Wala kasing choice eh. Nakakahiya, wala po kaming matirhan.”   Ayon sa environment management expert na si Dr. Diomedes Racelis, peligroso ang pagtira sa maraming lugar sa Rizal sapagkat hindi lamang ito madalas bahain kundi landslide-prone pa.   Dagdag ni Racelis, hindi dapat nagtatayo ng subdivision sa paligid ng mga landslide-prone na lugar. Aniya, isa itong halimbawa ng kakulangan sa urban planning. “Sabi nga nila, maraming biktima na 'at the wrong place at the wrong time.’ Mali ang kinalalagyan nila—yun ang dahilan,” ani Racelis.   Ngunit paalala rin ni Racelis, hindi pa huli ang lahat. Mayroong short-term, medium-term, at long-term na solusyon sa baha:
  • Short term: Linisin ang mga estero o daluyan ng baha.
  • Medium term: Huwag magtapon ng kahit anong basura sa mga estero at kalye. Huwag rin maglalagay ng kahit anumang maaaring humadlang sa daloy ng tubig.
  • Long term: Comprehensive watershed management, at pangangalaga at rehabilitation ng mga pangunahing bahagi ng tubig kagaya ng Laguna de Bay. 
Para sa iba pang kaalaman tungkol sa urban planning at baha, panoorin ang panayam ng ‘State of the Nation’ kay urban planner at architect Jun Palafox:  
Tags: webexclusive