Filtered By: Newstv
NewsTV
Batang Manggagawa Part 1, ngayong Biyernes sa 'Motorcycle Diaries'
Batang Manggagawa Part 1: Uling Boys at Batang Kawag-kawag Sa isang natatanging paglalakbay, ilang kabataang nagtatrabaho sa murang edad ang makikilala ni Jay.
Mga batang kawag-kawag ang tawag sa kanila, mga batang tumatawid ng dagat sakay ng balsang gawa sa styropor. Gamit ang kapirasong plywood at lakas ng braso at kamay, nagkakawag sila para umusad ang balsa. Kailangan kasi nila makarating sa laot kung saan nakahimpil ang mga malalaking bangkang pangisda. Dito nanghihingi sila ng isda na kanilang iuuwi sa pamilya na pang ulam.
Kung susuwertihin, agad silang binibigyan sa huli pero may mga pagkakataon na ang paghingi ng isda ay hindi madali. Kailangan pa nilang sumisid sa dagat para makakuha ng isda mula sa lambat na hinahango pa lamang. Kadalasan, nagmamadali sila sa paglusong para kumuha ng isda at pag-ahon para itabi ang mga nakuha sa timba na nasa kanilang balsa. Kung gaano karami ang kanilang makuhang isda bago maiahon ang lambat, ito lamang ang kanilang maiuuwi.
Karaniwang tumatagal sila ng maghapon sa laot, hindi alintana ang panganib na dala ng mga alon at mga naglalakihang bangkang maaaring bumangga at umipit sa kanila.
Kung isda ang pakay ng mga batang kawag kawag, mga lumulutang na kahoy naman ang kinukuha ng mga batang uling sa laot gamit ang maliit na bangka. Kanila ring nilalangoy ang malalaking kahoy para maiangat sa bangka. Iniipon nila ang mga ito at pinatutuyo.
Kapag tuyo na ang mga kahoy, niluluto nila ang mga ito sa apoy at ginagawang uling. Mistula mang kalangitan ang kapal ng usok mula sa ulingan, panganib naman ang dulot nito sa kalusugan ng mga bata. Sa kabila nito, hindi nila ito alintana, ang mahalaga makapag-uwi sila ng konting kita para malamnan ang kumakalam nilang sikmura.
Saksihan ang mga hirap na pinagdaraanan ng mga batang uling at batang kawag-kawag, at pakinggan ang mga kuwento ng determinasyon at pagsusumikap sa mura nilang edad sa unang yugto ng Motorcycle Diaries Batang Manggagawa, 2-Part Special ngayong Biyernes, 8PM sa Motorcycle Diaries, sa GMA News TV Channel 11!
Tags: plug
More Videos
Most Popular