Biyaheng Malaysia sa Unang Anibersaryo ng Motorcycle Diaries
Sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng Motorcycle Diaries, isang espesyal na dokumentaryo ng paglalakbay ang aming ihahandog. Sakay ng motorsiklo, lalakbayin nina Jay Taruc at ng kaniyang mga kasamang beteranong motorcycle riders na sina Joey Almeda, Butch Chase at Toto Villanueva ang Borneo Island. Mula Sandakan sa Sabah, Malaysia, tatawirin nila ang Brunei patungong Pontianak, Indonesia. Ang misyon nila ay sumali sa International Big Bike Convention na gaganapin sa Indonesia. Ngayong Biyernes, tunghayan ang unang yugto ng kanilang paglalakbay. Mula sa kilometer zero at modernong gusali ng Yayasan Sabah sa Kota Kinabalu hanggang sa crocodile farm at orangutan park sa Sandakan, samahan silang tuklasin ang naggagandahang tanawin ng Sabah, Malaysia. Kilalanin din ang mga Pilipinong kanilang nakasalamuha na matagal ng naninirahan dito. Bakit nga ba maraming Pilipino sa Sabah? Ano ang pagkakatulad ng ipinagmamalaki nilang pasyalan sa ating magagandang tanawin at gaano kalapit ang kultura nila sa ating tradisyon at gawi? Simula ngayong Biyernes, huwag palalampasin ang 3-part series ng Motorcycle Diaries 1st year Anniversary Special, 8PM sa GMA News TV!