Filtered by: Newstv
NewsTV
'Investigative Documentaries'

Pangakong kalsada at tubig sa Sitio Macantog, kailan kaya matutupad?


 
ELEKSYON 2019
16 May 2019 Episode
 
Tuwing eleksyon, kaniya-kaniyang litanya ng mga pangako ang mga kandidato para sa mas magandang buhay raw para sa mga botante. Pero ilan nga ba sa mga ito ang natutupad, at ilan sa mga pangako ang napapako?
 
 
Mayo 2011 nang itinampok ng Investigative Documentaries ang kawalan ng tubig na maiinom sa Sitio Macantog sa Barangay Tandang Kutyo, Tanay, Rizal. Walang kalsada rito. Kailangang lumakad nang isang oras sa baku-bako at masukal na daan paakyat ng bundok para marating ang sitio. Dahil walang linya ng tubig, sa sapa at balon umaasa ang mga residente rito. Panawagan ng mga residente, tuparin ng mga politiko ang pangako nilang kalsada at tubig.
 
Makalipas ang walong taon, binalikan namin ang sitio.
 
 
 
Si Emilita, 64 taong gulang, reklamo pa rin ang hirap ng tubig sa lugar. Nagpagawa raw ng tangke ng tubig ang lokal na pamahalaan sa kanilang sitio pero nang masira, hindi na ito napakinabangan. 
 
 
Sa kalapit na sapa pa rin sila naliligo at naghuhugas ng pinggan. Kapag tag-init, sa balon sila nag-iigib. Ang problema, dumudumi at lumalabo ang tubig sa balon kung umuulan. Sinasala nila ang tubig gamit ang tela para mainom ito.
 
 
 
Ang problema sa sitio, inabutan na ni Nanay Josefina, walumpu’t isang taong gulang. Marami na raw politiko ang nangakong ipagagawa ang daan at linya ng tubig at ng koryente sa sitio pero wala raw tumupad sa pangako. Hindi na niya kayang lumakad papunta sa balon at sapa kaya nag-iipon siya ng tubig-ulan para sa paliligo at paglalaba.
 
 
Ngayong eleksyon, bumaba ng bundok sina Nanay Josefina at iba pang mga residente ng sitio para bumoto. Umaasa pa rin silang ang boto nila ang susi sa pagbabago sa kanilang sitio. Alamin ang naging batayan nila sa pagpili ng iboboto at ang mga panawagan nila sa mga mananalong kandidato.
 
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.