Filtered By: Newstv
NewsTV

Tamang paraan sa paggamit ng pera, alamin sa ‘Investigative Documentaries’


KAYAMANAN = KAYA NAMAN
9 May 2019 Episode

Sa panahon ng OOTD, Travel Goals at YOLO, masinop ba sa paggamit ng pera ang mga Pilipino?

Namayagpag ang showbiz career ni Ruby Rose o Mystica noong 2000. Sa husay niya sa pagkanta at pag-split, kaliwa’t kanan ang guestings at shows niya. Dalawang daan hanggang tatlong daang libong piso ang kita niya noon kada guesting. Bumili siya ng mga lupa, sasakyan, at bahay para sa pamilya. Nagnegosyo rin siya. Pero ang lahat ng naipundar niya, isa-isang nawala. Nawalan siya ng trabaho at tumigil ang pasok ng pera. Nagpatung-patong ang kanyang mga utang.

Labing-anim na taong Overseas Filipino Worker o OFW si Carina. Nagtrabaho siya bilang domestic helper sa Malaysia, Dubai, at Saudi. Dahil hiwalay sa asawa, binuhay niyang mag-isa ang tatlong anak. Ang problema, baon siya sa utang bago pa man umalis ng Pilipinas kaya ang maliit na kita sa ibang bansa ay hinati niya  sa pamilya at sa utang. Umuwi siya sa Pilipinas na walang ipon o naipundar.

Sa datos ng World Bank noong 2018, pang-apat ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalaking kita mula sa mga OFW. Pero 35% lang ang mga pamilya ng OFW ang may ipon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Dahil dito, tinuturan ng Commission on Filipinos Overseas ang mga OFW at ang kanilang pamilya kung paano ang tamang paghawak ng pera.

Ayon sa eksperto, makakapag-ipon naman kahit maliit ang kita basta’t simple lang ang pamumuhay at may disiplina sa pera.

Si Benny, 55 taon nang pumapalaot. Sa pangingisda niya binuhay ang walong anak. Nakapagpundar sila ng bahay, bangka, at makina. Gumagawa rin ng bagoong alamang ang kanyang asawa para makadagdag sa kita. 

Bukod sa pag-iipon ng pera, dapat din daw mag-invest nang tama. Ayon sa eksperto, magandang pagkakakitaan ang bahay at lupa kung ito ay pinarerentahan. Ang mag-asawang Fred at Rosie, kumikita ng halos sampung libong piso kada unit sa ipinatayo nilang bahay. 

Kung may puhunan, maaari din daw mag-negosyo basta’t masusing pinag-aaralan ang negosyong papasukin. Kaya si Rebbie, ginamit ang kita ng asawang seaman para magtayo ng negosyo ng bags.

Alamin kung paano ang tamang paghawak ng pera at ano ang mga dapat iwasan para hindi mabaon sa utang.

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.