Filtered By: Newstv
NewsTV

Estado ng Manila Bay, sisiyasatin sa ‘Investigative Documentaries’


 
2 May 2019 Episode
UPDATES
 
 
Labintatlong taon nang nakatira sa Disomangcop Village sa Barangay Daguduban sa Marawi City ang pamilya ni Aida. Nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng Maute-Isis at militar noong 2017, nabilang sa Ground Zero ang kanilang tahanan. Dahil sa peligro, iniwan nila ang bahay at mga ari-arian at pumunta sa Maynila. Nawalan sila ng kabuhayan at natigil sa pag-aaral ang kanilang mga anak.
 

Sa episode na ito ng Investigative Documentaries, babalikan natin ang kwento ng pamilya ni Aida.

Sa datos ng Philippine National Police, ang Region IV-A ang may pinakamasikip na mga detention facility sa buong bansa. Ang Biñan Custodial Facility ang pinakamasikip sa buong Region IV-A. Nagsisiksikan sa dalawang selda ang mga babaeng detainee. Hindi sila nasisikatan ng araw at dahil dito, nagkakaroon sila ng iba’t ibang sakit.

Nitong Abril, namatay ang isang detainee sa Biñan Custodial Facility dahil sa pneumonia. Tumaas din ang bilang ng mga detainee.

Noong 2008 nag-utos ang Korte Suprema sa 14 na ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng Department of Environmental and Natural Resources na bumuo ng plano para linisin ang Manila Bay. Pinangunahan ng Manila Bay Coordinating Office ang planong bawasan ang basura at alisin ang informal settlers sa paligid ng Manila Bay. Target ng MBC na maabot ang Class Level SB, kung saan pwede na itong paliguan at pwede nang mag-alaga ng mga isda. Hindi naabot ang target. 

Ano na kaya ang estado ng Manila Bay?

Umabot sa fourth alarm ang sunog na sumiklab sa Barangay 91 sa Tondo, Maynila noong Agosto 2018. Isa sa mga nasunugan ang pamilya ni Emily. Lima sa mga anak niya ang namatay. Isa lang ang nakaligtas. Trauma ang inabot ng anak niyang si Make dahil sa pagkamatay ng mga kapatid. Kumustahin natin ang lagay ng pamilya matapos ang ilang buwan.

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, 8:00 ng gabi kasama ang beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.