Filtered by: Newstv
NewsTV

‘Pagkasaid’ ng tubig sa Metro Manila, sisiyasatin sa 'Investigative Documentaries'


SAID

25 April 2019 Episode

Malaking abala at gastos para sa mga residente ng ilang mga barangay sa Metro Manila ang manipis o kawalan ng supply ng tubig. Mula kasi nitong Marso, limitado ang tubig sa ilang lugar na sakop ng Manila Water, isa sa dalawang kumpanya ng tubig sa Metro Manila.

Apektado ang pang-araw-araw na gawain ng mga residente gaya ng paliligo, pagluluto, paglalaba, at paglilinis ng bahay. Pahirapan din ang pag-iipon at pag-iigib ng tubig.

May mga negosyong lumiit ang kita at napilitang magsara. Ang mga ospital, naantala ang pagbibigay ng lunas sa mga maysakit.

Sa Angat Dam kumukuha ng tubig ang Manila Water. Karaniwan ay 180 meters ang critical level nito at noong ika-22 ng Abril, nasa 183.92 meters na lang ito. 

Sa La Mesa Dam kumukuha ng reserbang tubig ang Manila Water sakaling magkaroon ng problema sa supply ng tubig. Noong ika-22 ng Abril, ang tubig sa dam ay nasa 68.50 meters, mababa sa normal level nitong 80.15 meters.

Alamin kung bakit umabot sa pagkasaid ng tubig at kung sino ang responsable sa problemang ito?

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.