Filtered By: Newstv
NewsTV

Nakatenggang tulay sa Camarines Norte, susuriin ng Investigative Documentaries


TULAY
6 August 2018 Episode

Pebrero 2012 sinimulan ang Labo bypass road project sa Camarines Norte sa Bicol. Kasama rito ang isang tulay. May haba itong 150 meters at pinaglaanan ng pondong mahigit sa P250 million. Proyekto ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Araw-araw kasi ay mahigit 12,000 sasakyan ang dumadaan dito ayon sa DPWH. Mas marami pa tuwing may okasyon.

Makalipas ang anim na taon, hindi pa rin tapos ang tulay. Malayo pa sa orihinal na plano ang itsura nito ngayon.

Samantala, problema rin ng mga residente ang Tawiran bridge sa Obando, Bulacan. Noong 2010 ay sinuri ito ng DPWH at natuklasan na delikado na para sa mga motorista.

Noong 1973 itinayo ang tulay na may habang 300 meters. Hindi na pantay ang ilang bahagi nito at sira na rin ang harang sa gilid. Pero kahit peligroso, tuloy pa rin sa pagdaan dito ang mga tao at sasakyan.

Ang kondisyon ng iba’t ibang tulay ay tampok sa Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.

Tags: plug