Mga piitan sa Biñan, Laguna, bibisitahin ng Investigative Documentaries
PIITAN
26 July 2018 Episode
Hindi lang sa Metro Manila puno ang mga piitan. Kahit sa labas ng Metro Manila ay ganito ang sitwasyon. Ayon Philippine National Police (PNP), ang Region 4-A ang may pinakamasikip na mga detention facility sa bansa.
Pinuntahan ng ID ang Binan City sa Laguna na may pinakamasikip na piitan sa rehiyon. Ang dalawang selda na kasya ang 170 na katao ay naglalaman ngayon ng 432 na detainee.
Ang lawak ng selda ay 81 square meters, Kaya kung susumahin ay halos anim na tao ang naghahati sa bawat metro kuwadrado.
Dito ay sinasalansan ang mga preso sa tuwing oras ng pagtulog. Hindi na sila makagagalaw sa buong magdamag. Gumawa rin ng kama na may tatlong tarima o palapag para makaluwag kahit paano. Kapag kailangang umihi, may ipapasang bote hanggang makarating sa gagamit nito at pabalik sa banyo.
Kahit pansamantala lang ang mga nasa piitan ng presinto, may komunidad sa loob nito. Nakahanap rin ng paraan ang mga detainee para kumita. May naglalaba, may nagtitinda at may gumagawa rin ng wallet. Lahat ng nalilikom na pondo pinagsasama-sama at gagamitin panggastos ng kanilang pagkain.
Alamin ang sitwasyon ng mga piitan sa bansa sa ikatlo at huling bahagi ng special report ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.