Filtered By: Newstv
NewsTV

Mga bayan na walang matinong kalsada, bibisitahin ng Investigative Documentaries


WALANG DAAN DITO
8 March 2018 Episode

Mahigit anim na dekada nang problema ng mga taga Barangay Kapaluhan sa Calauag, Quezon ang kawalan ng maayos na kalsada.

Ang Vinas-Kapaluhan-Talingting road ang pangunahing daan papunta sa Barangay Kapaluhan. May haba itong 22 kilometro pero wala pang anim na kilometro ang sementado.

Wala namang magawa ang mga residente kundi ang magtiyaga sa sitwasyon. Kadalasang habal habal lang ang kayang dumaan dito. Sa tuwing may emergency, malabong umabot nang buhay sa ospital ang pasyente dahil sa kondisyon ng kalsada.

Ang mga residente ng Purok San Lorenzo Ruiz sa Taytay, Rizal kahit tag-init ay palaging binabaha. Ang daan kasi rito ay parang maruming swimming pool.

Dekada ’80 nang ilipat ang mga residente dito na mga informal settler mula sa San Juan City. Nilulusong ng mga nakatira dito ang baha dahil ito na ang pinakamabilis na ruta. Malayo kasi ang iikutan kapag umiwas sa baha at mas magastos rin sa pamasahe.

Alamin kung ano ang solusyon sa problema ng mga apektadong residente ng mga kalbaryong daan. Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.