Filtered By: Newstv
NewsTV
Investigative Documentaries

Mga musmos, lumalakad ng ilang kilometro papasok ng paaralan sa Negros Oriental


LAKAW

8 February 2018 episode

Papasok pa lang ng paaralan, umiiyak na ang apat na taong gulang na si Jona Mae Balolos. Pag-uwi, ganito ulit ang sitwasyon niya. Araw-araw mula nang magsimula siya sa Day Care, umiiyak sa daan si Jona Mae. 

Isang kilometro ang kailangan niyang lakarin papasok sa klase, kasama ang iba pang mga estudyante mula sa Sitio Laos, Brgy. Binobohan, Guihulngan City, Negros Oriental. Nasa paanan ng bundok ang kanilang eskwelahan, ang Laos Elemetary School at Day Care Center. Araw-araw, hirap sila sa kanilang “lakaw” (lakad) papasok at pauwi ng paaralan.

Mabato na ang daan, may bangin pa. Kalbaryo para sa mga bata ang lakaw lalo kay Jona Mae.

Tatlumpu’t isa ang estudyante sa Day Care Center. Lahat sila ay naglalakad nang malayo sa pagpasok, kaya madalas ay marami ang lumiliban. Samantala, 103 naman ang nag-aaral sa Laos Elementary School. Sa hirap, madalas umiiyak habang naglalakad si Jona Mae. Wala na rin siyang ganang mag-aral pagdating sa klase dahil gusto na lang niyang matulog at magpahinga.

Samahan nating maglakaw papasok sa paaralan ang mga bata ng Sitio Laos.

Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.