Nakatenggang fish port sa Quezon Province, pupuntahan ng Investigative Documentaries
Sa halip na fish port, naging tambayan at pasyalan na ng mga residente ng Tagkawayan sa Quezon ang gusaling ginastusan ng mahigit P13 million. Dalawang taon na itong naitatayo pero di pa nagagamit bilang fish port.
Proyekto ito ng Department of Agriculture sa pangunguna ng dating kalihim nito na si Proceso Alcala. Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang nagtayo nito.
May daungan ng bangka, lugar para sa bagsakan at bentahan ng isda, may banyo at opisina rin ang fish port. Lahat ito, walang gumagamit.
Malaking tulong pa naman sana ito sa mga maningisda sa lugar na umaasa sa biyaya ng dagat. Dagdag na gastos rin ito para sa lokal na pamahalaan, binabayaran kasi ang dalawang bantay nito pati na ang nakukonsumo na tubig at koryente.
Alamin kung sino ang may pagkukulang sa proyekto at kung bakit ito hindi napakikinabangan hanggang ngayon.
Huwag kaligtaang manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.