Laban ng mga taong may malubhang karamdaman, tunghayan sa Investigative Documentaries
LABAN
11 January 2018 Episode
Simula ng taon. Karamihan ay nagpaplano kung ano ang gagawin ngayong 2018. May ilan na ang plano ay makita at malasap ang bawat araw ng taong ito.
Mahigit tatlong taon nang hindi makatayo si Ginno. Mayroon siyang tumor sa gulugod o spine na sanhi ng kanyang pagkaparalisa. Dati siyang IT Specialist sa isang BPO company.
Binigyan ng doktor ng taning ang kanyang buhay noong 2015. Hindi ito inalintana ni Gino, ng kanyang asawa, tatlong anak, at maging ng kanyang ina. Tuloy ang laban nila para gumaling si Ginno.
Kapos sa pera ang pamilya ni Ginno. Malaking tulong ang volunteer nurse na si Vernon mula sa Ruth Foundation na isang NGO. Bumibisita si Vernon isang beses kada linggo para alagaan si Ginno. Libre ang serbisyo na bahagi ng programa ng kanilang grupo.
Noong 2010 naman ay natuklasan na may stage 2 breast cancer si Lea. Sumailalim siya ng operasyon para tanggalin ang kanan niyang dibdib pero kumalat na raw sa buto ang cancer niya.
Kahit may sakit ay itinuon ni Lea ang atensyon sa mga bagay na makapagpapasigla sa kanya. Sumali siya sa isang grupo ng mga cancer patient, ang Carewell, na itinuring na niyang pamilya.
Samahan natin sina Ginno at Lea sa kanilang pakikipaglaban sa buhay. Huwag kaligtaang manood ng "Investigative Documentaries" ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.