Kalagayan ng ilang sementeryo sa Metro Manila, susuriin ng Investigative Documentaries
SEMENTERYO
Siyam na taon nang nakatiwangwang ang Makati Public Cemetery. Noong 2008 ay pansamantala itong ipinasara ng lokal na pamahalaan. Isang resolusyon ng lungsod ang ipinasa para limang taong hindi muna paglilibingan ang sementeryo para masimulan ang rehabilitasyon nito. Iniutos ng LGU na ilipat muna ang mga patay.
P50 million ang unang pondo ng Makati para sa pagpapagawa ng kolumbaryo. Ang problema ay tila namatay na rin ang proyekto at halos isang dekada na ay wala pa ring nasisimulan. Nagamit na raw sa ibang proyekto ang pondo.
Masukal na ang dalawang ektaryang sementeryo. Tambak na rin ito ng basura. Ang mga nitso ay natibag at may mga gumuho na. May mga labi na hindi na binalikan ng mga kamag-anak. May informal settlers na rin sa loob nito.
Kung may mga nitsong di na nabibisita, naalala pa ba ninyo ang mga sementeryong ngayon ay pasyalan na?
Alamin iyan ngayong Huwebes sa Investigative Documentaries, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.