Mga update sa ilang reklamo, alamin sa Investigative Documentaries
UPDATED
7 September 2017 Episode
Sa tabi ng Estero de Magdalena sa Tondo nakatira ang pamilya ni Marissa Heramia. Nilalakad ni Marissa noong Marso ang papeles nila para sa pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Bulacan. Ang problema, naudlot ang nakatakda na sana nilang paglipat dahil isa ang kanilang unit sa inokupa ng mga miyembro ng KADAMAY o Kalipunan ng Damayang Mahihirap.
Binalikan namin nitong Agosto si Marissa. Nakatira na siya sa bago nilang bahay sa Katuparan Village sa Barangay Tigbe, Norzagaray Bulacan.
Nitong Marso ay sumama rin kami sa paglilinis ng River Warriors ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa Estero de Magdalena. Pagkatapos ng anim na buwan ay binalikan namin at lugar at inalam kung malinis na ang estero.
Problema naman sa maayos na suplay ng tubig ang idinulog sa amin ng mga residente ng Barangay Ibayo sa Marilao, Bulacan nitong Hunyo. Dahil walang tubig sa gripo ay bumibili sila ng magagamit sa araw araw.
Kinumusta namin ang kalagayan ng mga residente matapos ang tatlong buwan.
Nitong Pebrero naman ay ipinakita namin ang sitwasyon sa Barangay Bayanan sa Baco Oriental Mindoro dalawang taon matapos manalasa ang bagyong Nona sa probinsiya.
Isa sa mga biktima ang pamilya ni Makmak. Inilibing ng mga rumaragasang bato mula sa bundok ang kanilang bahay. Pati ang kanilang paaralan nawasak.
Napanood ni Benjie Abad o Mang Urot ang kwento ni Makmak. Dahil dito ay nag-organisa siya ng feeding program. Lumikom rin ang grupo niya ng pondo para maabutan ng tulong ang mga bata sa Barangay Bayanan.
Balikan natin ang ilan sa mga kwento na ating itinampok sa Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.