Filtered By: Newstv
NewsTV

Epekto ng mga minahan sa komunidad, tatalakayin sa Investigative Documentaries


KATAS NG MINA
08 JUNE 2017 Episode

Mahigit dalawang dekada nang walang nagmimina sa Marinduque. Sa kabila nito, hindi pa rin nakababawi ang mga residente sa epekto ng katas ng mina.

Katulad ni Melanie. Nakalimutan na niya kung paano ang magsulat. Hindi na rin niya masabi nang diretso ang kaniyang pangalan at tumigil na ang kanyang paglaki. Ang itinuturo nilang dahilan ay ang katas ng mina ng Marcopper Mining Company na nagsimula ng operasyon noong 1967.

Sa Calancan Bay kinukuha ng mga residente ang isda at iba pang lamang dagat na kanilang kinakain. Sa pag-aral ng Oxfam International, isang international group ng NGOs, mula 1975 hanggang 1991, umabot sa 200 milyong tonelada ng basura mula sa minahan ang itinambak ng Marcopper Mining Corporation sa baybayin ng Calancan Bay.

Lason daw ito sa kalusugan ng mga mamamayan. Kagaya ni Jorge na kinailangang putulin ang isang paa dahil naimpeksyon ang sugat niya nang dumaan siya sa ilog Mogpoc. Kontaminado raw kasi ang tubig sa ilog ng katas ng minahan.

Sa Mabini, Pangasinan naman, tuwing umuulan ay inaanod pababa sa kanila ang mga isdang namatay dahil sa pagkilos ng katas ng minahan na iniwan ng isang minahan. Hindi na rin daw matamnan ang kanilang mga sakahan dahil mabahong lupa na ang naririto.

Matapos ang operasyon ng mga minahan, ano ang iniiwan ng mga ito sa komunidad?

Alamin ang kwento ng mga apektadong residente sa mga dating lugar na may minahan. Huwag kaliligtaang manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.

Tags: plug