Update sa mga late na plaka ng LTO, alamin sa Investigative Documentaries
UPDATED!
29 December 2016 Episode
Nakalbo na ako sa kakaantay sa plaka ninyo.
Republika ng walang plaka.
Virtual plate.
Ito ang ilan lang sa mga hugot lines na ginagamit ngayong taong ito ng mga taong yamot na sa paghihintay sa plaka ng kanilang sasakyan.
Totoo raw ang forever para sa kanila. Dama rin daw nila ang wagas na paghihintay sa plakang dapat ay gamit nila.
Isa lang ito sa mga problemang tinutukan ng Investigative Documentaries ngayong 2016.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), nitong Hulyo, 5 milyong may-ari ng sasakyan ang wala pa ring plaka. Ang ilan sa kanila higit dalawang taon nang naghihintay
Reklamo ng mga may-ari ng sasakyan, bayad na sila pero wala namang plakang kapalit ang kanilang pera.
Sa inis nila ay gumawa na sila ng sariling plaka. May hugot lines ang mga ito na ipinagagawa nila sa halagang P300 hanggang P900.
Bago magsara ang taon, aalamin natin kung may pagbabago ba o sasalubingin pa rin ng marami ang 2017 na walang plaka?
Huwag kaliligtaang manood ngayong Huwebes ng Investigative Documentaries, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.