Filtered by: Newstv
NewsTV

Mga paslit na maagang namulat sa kahirapan, tampok sa Investigative Documentaries


Paslit
17 November 2016 Episode

Isang malawak na playground ang mga lansangan sa Maynila para kay Marimar, 6 na taong gulang. Sa Delpan at Binondo ay madalas na nanghihingi siya ng kanin sa mga karinderya para may makain ang kanyang dalawang kapatid. Walang trabaho ang nanay niya at pedicab driver naman ang kanyang amain.

Kabilang sina Marimar sa mahigit 1 milyong pamilya sa bansa na walang sapat na kita para sa pagkain ayon sa Philippine Statistics Authority.

Anim na taong gulang si RV pero naghahanapbuhay para sa pamilya. Styrofoam ang kanyang bangka at kamay ang kanyang sagwan sa pagkuha ng basura sa ilog. Lima ang kapatid ni RV.

Si Wendy, 8 taong gulang. Sumasala kung minsan sa pagkain kaya hindi prayoridad ang toothpaste at toothbrush sa pamilya. Pinagsasaluhan nilang tatlong magkakapatid ang iisang sipilyo.

Ang kwento nina Marimar, RV, Wendy at ng iba pang mga paslit ay tampok ngayong Huwebes sa Investigative Documentaries, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.

Tags: plug