Problema sa trapiko at illegal parking, tatalakayin sa Investigative Documentaries
INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES
HAMBALANG
11 August 2016 Episode

Sa unang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte, nangako siyang bibigyan ng solusyon ang problema sa traffic.
Isa sa mga lugar na hindi na halos magamit ng tao at sasakyan ay ang mga kalye sa Divisoria, Maynila. Ayon sa lokal na pamahalaan, aabot sa halos 40,000 ang vendors sa Divisoria. Lahat ng klase ng bilihin, dito matatagpuan kaya libu-libo ang mamimili rito araw araw. Pati sa gitna ng kalsada nakahambalang ang mga paninda at mamimili.

Pero dahil change has come na raw, mas mahigpit na sa pagbabantay ang mga pulis. Inalis na ang mga vendor sa gitna ng kalsada. Maluwag na rin na makakadaan ang mga jeep at mga taong namimili.
Pero lumilitaw na may mga taong gusto raw ng pagbabago, ayaw namang magbago sa maling gawain.
Sa ibang bahagi ng Metro Manila, naghigpit na rin sa mga sasakyang pumaparada sa gilid ng kalsada. Sa halip kasing magamit bilang alternatibong ruta, limitado ang nakagagamit ng mga ito. Marami kasi ang matitigas ang ulo na kahit bawal at may karatula na laban sa pagparada, hindi pa rin ito sinusunod.

Sumama ang ID sa operasyon na ginawa ng mga kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Hinatak ang mga sasakyan na wala sa tamang parking area. Pero nang aming balikan ang mga lugar na ito, balik sa dating gawi ang mga pasaway.
Ngayong Huwebes, alamin kung paano masosolusyunan ang problema sa trapiko at illegal parking. Manood ng Investigative Documentaries, 8 PM kasama ang 2013 Metrobank Foundation Journalist of the Year na si Malou Mangahas.