Paggastos ng mga Pilipino tuwing Pasko, susuriin sa 'Investigative Documentaries'
Investigative Documentaries
17 December 2015 Episode
Magkano ang Pasko Mo?
Panahon ng bonus at 13 month pay ang Disyembre kaya may ekstrang pera ang maraming Pilipino. Pero minsan daw ay hindi raw sapat ang ekstrang pera na ito dahil bigay-todo raw kung gumastos ang mga Pilipino sa ngalan ng Pasko.
Ayon sa National Statistical Coordination Board o NSCB, sa pagkain napunta ang pinakamalaking bahagi ng pera ng bawat pamilya sa huling tatlong buwan ng 2014.
Si Carmel, tradisyon na ang gumastos nang malaki tuwing Pasko. Kumukuha pa siya ng interior designer para ayusan ang kanyang bahay. Ang bayad sa pagpapadisenyo ay umaabot sa P40,000. Imported pa raw ang mga pandekorasyon na ikinakabit sa paligid ng bahay.
Sagot din ni Carmel ang dekorasyon sa kanilang simbahan. Nagtatabi siya ng P100,000 para sa panata niyang ito, na mahigit dalawang dekada na niyang tinutupad.
May iba pang pinupuntahan ang pera ni Carmel tuwing Pasko bukod sa mga materyal na bagay. May tinutulungan siyang kaibigan na may sakit at sinusustentuhan niya ito buwan-buwan para may pampagamot.
Para naman kay mang Marcelo, hindi kailangang gumastos masyado para maging maganda ang dekorasyon sa kanyang bahay. Siya mismo ang gumagawa ng parol tuwing Pasko gamit ang plastic na kutsara at tinidor. Magaan na sa bulsa, maaliwalas pa sa paningin.
Ngayong Pasko, abala man tayo sa paggastos, tandaan na walang katumbas na halaga ang diwa ng okasyong ito.
Alamin ang kakaibang paraan ng pagdiriwang ng Pasko ng ilang mga kababayan natin. Huwag kaligtaang tumutok sa Investigative Documentaries ngayong Huwebes, alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11!