Sitwasyon ng transportasyon sa bansa, sisiyasatin sa 'Investigative Documentaries'
TransPOORtasyon
August 27, 2015
Kalbaryo raw ang bumiyahe sa Metro Manila. Ang mabigat na daloy ng trapiko at atrasadong serbisyo ng mga pampublikong sasakyan ay ilan lang sa mga krus na pinapasan ng isang ordinaryong commuter sa tuwing papasok ng opisina at uuwi ng bahay.
Doble ang hirap ng mga may kapansanan tulad ni Daisy Panaligan na suki ng MRT. Malaking tulong sana ang elevator paakyat ng istasyon pero madalas ay sira ang mga ito. Marami rin sa mga escalator ang may depekto. Idagdag pa rito ang siksikan sa loob ng tren lalo na tuwing rush hour. May mga pagkakataon pang pumapalya ang operasyon ng MRT.
Sa kasalukuyan ay siyam lang ang tren ng MRT na bumibiyahe ng maayos. Masama tuloy ang loob ng maraming pasahero dahil kamakailan lang ay tumaas pa ang pamasahe sa tren. Hindi raw sulit ang mahal na bayad kung ikukumpara sa serbisyo na ibinibigay ng MRT.
2.4 bilyong piso araw-araw ang nawawala sa ating eknomiya dahil sa trapik ayon sa JICA noong 2014. Isang experiment ang ginawa ng Investigative Documentaries, sa rush hour, inorasan ng team ang biyahe ng tatlong commuter na sasakay ng MRT, Bus at isang dating commuter na nag-bisikleta. Sino kaya ang mauuna sa kanila sa kanilang destinasyon?
May pag-asa pa kayang mabago ang sitwasyon ng mga commuter sa Metro Manila? Ano ang solusyon ng gobyerno para maibsan ang krus na pinapasan ng mga ordinaryong Pilipino?
Abangan ang Investigative Documentari es ngayong Huwebes , alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11!