Pantawid Pamilyang Pilipino Program, susuriin sa 'Investigative Documentaries'
Sa ikaanim at huling SONA ni Pangulong Aquino, isa sa mga ipinagmamalaki niyang proyekto ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Mahigit apat na milyong pamilya na ang naging benepisyaryo nito mula nang ilunsad noong 2010 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi biro ang pondo na inilalaan ng gobyerno para matustusan ang 4Ps. Ngayong taon ay aabot ito sa mahigit P60 billion.
Nitong Marso ay mayroong mahigit 300,000 na estudyante ang nagtapos sa elementarya, hayskul at kolehiyo sa tulong ng 4Ps.
Sa kabila nito, may ilan ring nakilala ang ID na karapat-dapat na makatanggap ng benepisyo pero hindi naambunan ng programa. Inirereklamo nila na may problema sa pagpili ng magiging benepisaryo. Idinadaing naman ng ilan ang atrasadong allowance kaya may mga pagkakataong isinasangla pa ang cash card para magkapera. Kinukwestiyon rin ng ilan ang ayudang ibinibigay ng gobyerno sa mga mahihirap. Hindi raw sulit ang perang ipinamumudmod sa mga tao.
Alamin kung nakatulong ba o hindi sa mga mahihirap ang 4Ps. Abangan ang panayam ni Ms. Malou Mangahas kay Dinky Soliman na kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Investigative Documentaries ngayong Huwebes, sa GMA News TV Channel 11!