Paghahanda ng gobyerno sa 'The Big One,' susuriin sa Investigative Documentaries
Investigative Documentaries
Yanig
June 04, 2015
Mahigit 1,000 gusali ang maaaring gumuho, mahigit 500,000 bahay ang pwedeng masira at 34,000 ang posibleng mamatay. Ito ang pinangangambahang mangyari sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya kapag lumindol. Ayon kasi sa pag-aaral ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, hinog na ang west valley fault at maaaring gumalaw anumang oras.
May habang 100 kilometro ang west valley fault na dumadaan sa ilang bahagi ng Metro Manila kabilang ang Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Muntinlupa at Quezon City. Ang problema, maraming istruktura ang nakatirik sa mismong fault line tulad mga paaralan, ospital at bahay na tiyak na mapipinsala.
Marami sa sa atin, madalas nasa lansangan o opisina. Kaya libu libong tao ang pwedeng masaktan sakaling abutan ng lindol sa kalsada habang bumibiyahe o sa loob ng gusali habang nagtatrabaho.
Ang MRT halimbawa na umaabot sa mahigit kalahating milyon ang pasahero kada araw. Siksikan at overloaded ang mga tren. Lampas kasi sa kapasidad nito ang sumasakay. Alam ba ng mga pasahero ang gagawin sakaling lumindol.
Alamin kung ano ang mga paghahandang ginagawa ng gobyerno sakaling mangyari ang kinatatakutang pagyanig ng West Valley Fault. Abangan ang Investigative Documentaries ngayong Huwebes , alas otso ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11!