Filtered by: Newstv
NewsTV

'Namamasko po!' sa 'Investigative Documentaries'


INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES
4 December 2014 Episode  
"Namamasko po!"

Galante raw ang mga tao tuwing Kapaskuhan, kaya naman marami ang gumagawa ng paraan para kumita ng pera sa panahong ito.

Nariyan ang mga batang nag-iikot para mag-carolling. Bitbit ang mga instrumentong gawa sa tansan at tambol na lata, marami ang mga batang nagbabahay-bahay at kumakanta para kumita kahit barya.
Si Jeric ay pitong taon lang nang unang sumama sa carolling. Ngayon ay grade 5 na siya at kasama niya ang kapatid at mga kaibigan sa taunang tradisyon nila.

Pinag-iipunan raw ni Jeric ang pambili ng mga gamit niya sa eskuwela. Nagbibigay rin siya sa magulang kung malaki ang mapamamaskuhan ng grupo nila.

Pagsampa naman sa jeep ang ginagawa ni Deimen, 10 taong gulang. Hinaharana niya ang mga pasahero at pagkatapos ay nag-aabot ng sobre sakaling may magbibigay ng aguinaldo. Walang bahay ang pamilya ni Deimen, sa bangketa sa Mehan Garden sa Maynila sila nakatira. Pinag-iipunan daw niya ang pambili ng bagong damit sa pasko.

Sinasamantala naman ng ilang taxi driver ang Pasko. Pahirapan ang pagsakay sa taxi at may ilang humihingi ng dagdag na bayad o nangongontrata. Sa isang social experiment, abangan kung marami bang pasaway na driver.

Alamin ang ibat ibang raket para magkaroon ng mas malaking kita kapag kapaskuhan, sa mabuti man o maling paraan. Manood ng Investigative Documentaries, 8:00 ng gabi kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.