Filtered By: Newstv
NewsTV
'Pabahay' part 2 sa 'Investigative Documentaries'
INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES
30 October 2014
PABAHAY
Ang Erap City sa Montalban, Rizal ang pinakamalaking proyektong pabahay ni dating pangulong Joseph Estrada. May halos 10,000 pamilya na nakatira rito. Napalilibutan ng bundok at ilog ang ilang bahagi nito.
Ayon sa pag-aaral ng Manila Observatory, nasa danger zone ang Erap City. Malaki ang posibilidad na gumuho ang mga bahay sa oras na magkaroon ng lindol o pagbaha.
Sa phase 2 ng Erap City, maraming bahay ang abandonado na. Binaha kasi ang mahigit 1,000 bahay noong 2012 pagkatapos masira ang dike sa lugar dahil sa lakas ng ulan. Umabot sa halos 600 pamilya ang kinailangang lumikas.
Sa panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo itinayo ang Towerville Subdivision sa San Jose Del Monte, Bulacan. Mahigit P28.2 billion ang ginastos dito. Bahay na walang bubong at puro pader lang ang inabutan ng mga lumipat dito. Ang National Housing Authority o NHA ang bumili ng mga materyales para sa bahay, na ang mga titira na ang siyang dapat gumawa.
Apatnapung libong piso ang halaga ng mga biniling materyales ng NHA. Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ noong 2005, overpriced daw ang mga bakal, plywood, tubo, buhangin at graba na binili ng ahensiya.
Sa kasalukuyang termino ni pangulong Benigno Aquino III, murang bahay para sa mga sundalo at pulis ang isa sa mga naging proyekto niya. Ang pabahay sa Trece Martires sa Cavite, ginastusan ng P4.6 billion.
Mahigit 1,000 ang bahay dito pero 80 lang ang may nakatira. Lahat ng unit ay mayroon nang may-ari pero hindi pa nililipatan ng pamilya ng mga sundalo at pulis. Sa aming paglilibot sa lugar, maraming bahay ang nasira na. Masukal na rin ang paligid nito.
Ang mga lumipat na rito, problema naman sa seguridad ang inaalala. May poste nga ng koryente, wala namang ilaw ang mga ito.
Alamin ang sitwasyon ng mga nakatira sa pabahay ng gobyerno ngayong Huwebes sa ikalawang bahagi ng dokumentaryo sa pabahay. Manood ng Investigative Documentaries kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.
More Videos
Most Popular