Ang mga tibak ng Dekada '70
Boni Ilagan
Taong 2010 nang isulat ni Bonifacio “Boni” Ilagan ang pelikulang Sigwa, isang kuwento ng mga estudyanteng aktibista noong dekada '70. Ayon kay Ilagan, halaw ito sa kaniyang mga personal na karanasan noong siya’y nag-aaral pa lamang.
Sa edad na 17, habang nag-aaral pa lamang sa University of the Philippines, naging aktibista na si Boni. Taong 1974, hinuli si Boni kasama ang ibang pang mga aktibista. Sa piitan, nakaranas sila ng matinding physical torture sa ilalim ng mga militar.
Maraming hindi mailarawang torture… Sabi ko dapat ba akong magpasalamat na hindi ako pinatay. Kasi hindi nila ako papatayin, pero pahihirapan nila ako nang husto… Ang worry ko kasi hindi ko alam kung hanggang kailan ko matitiis yung torture…
Mahigit na apat na dekada na ang lumipas, nananatili pa rin si Boni sa iba’t ibang organisasyong nagtutulak ng pagbabago. Bukod sa pagiging manunulat, isa siya sa mga pinuno ng Samahan ng mga Ex-detainee Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA).
“Ang tradition ng Martial Law na minana at nagustuhan ng military noong panahon iyon ay nananatili hanggang sa kasalukuyan,” sabi ni Boni.
Ngayon mayroon nang ibang laban si Boni. May kanser ang kaniyang asawa, ngunit batid niyang kaakibat iyon ng kaniyang pakikipaglaban para sa bayan.
Naniniwala siya na ang mga karahasan ng martial law ay dapat tiyaking hindi na mauulit pa sa kahit sino, sa kahit anong paraan.
Satur Ocampo
Tulad ni Boni, isa si Satur Ocampo estudyanteng tibak noong kanyang kabataan.
Iuukol mo 'yung panahon mo, pag-iisip mo, paghahanap ng paraan, pag-oorganisa, paglahok sa mga pagkilos tungo doon sa paghahanap o pagtutulak ng pagbabago. Iyan ang aktibismo.
Pagpasok pa lang ni Satur sa kolehiyo na Lyceum of the Philippines, naging aktibista na siya. Journalism ang kinuha niyang kurso, pero hindi siya nakatapos. Ngunit kahit hindi siya naka-graduate, naging reporter pa rin siya ng The Manila Times.
Isa siya sa mga nagtatag ng kilusang “Kabataang Makabayan.” Isa rin siya sa mga bumuo ng National Democratic Front, isang taon matapos maisabatas ang Martial Law.
Taong 1976 nang hulihin si Satur dahil sa kasong rebelyon. At tulad ng iba pang naging political prisoners noon, sumailalim din siya sa physical torture. Nakulong siya sa loob ng siyam na taon.
Naniniwala si Satur na kahit na nagpalit-palit na ang administrasyon, malaki pa rin ang kakulangan sa reporma. “Hindi naman talaga ni-reform 'yung Armed Forces at kapulisan. ‘Yung mga naging gawi nila, yung kaisipan, yung mindset, nanatili yun,” sabi ni Satur.
Nang itinatag ang partylist na Bayan Muna at nanalo ito sa Kongreso, si Satur ang isa sa mga naging kinatawan nito. Ang dating aktibista, naging isa nang mambabatas. At sa loob ng siyam na taon ng pagiging partylist representative, si Satur ang nag-akda ng Anti-Torture Law.
Tumakbo siya sa pagka-senador noong 2010, pero hindi siya pinalad na manalo.
Sa ngayon, nananatiling dismayado si Satur sa kalagayan ng ordinaryong Pilipino. Aniya, namamayani pa rin hanggang sa ngayon ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay.
Joey Ayala
“I don’t really know what aktibista means, when other people use it. I know that I am myself an active person. Ginagamit ko yung aking pagiging malikhain sa larangan ng sining at edukasyon,” ayon sa musikerong si Joey Ayala.
Ang kilalang singer at kompositor ay naka-graduate ng AB Economics sa Ateneo de Davao University noong 1978. Naging writer and editor siya ng isang magazine, at stage director at workshop facilitator sa Davao.
Taong 1980 nang makilahok siya sa mga protesta, pero ang musika niya ang naging kasangkapan upang isulong niya ang kaniyang adbokasiya.
“Ang mga kanta is a form of expression. Yung salitang protest, siguro nasa nakikinig na ‘yan at saka nagbibigay ng label, kasi hindi nangingibabaw ang feeling of protest sa akin eh. Akin, depiction tsaka gusto ko lang maliwanagan yung nilalaman ng kanta.”
Kahit tapos na ang Martial Law, patuloy pa rin si Joey sa pagsusulat ng mga kanta. Taong 1990 nang pinasikat niya ang kantang “Karaniwang Tao.”
Sa ngayon, siya ang pangulo ng Bagong Lumad Artists Incorporated at abala siya bilang singer, songwriter, band leader, composer, lyricist at producer. “I used to think of myself as a ‘tagapagtanim ng binhi ng ideya.’ So minsan tumutubo naman nang maayos.”
Joel Lamangan
Tulad naman ni Joey, ipinakita rin ni Joel Lamangan ang kanyang paninindigan sa pagsusulat at paggawa ng pelikula.
At tulad ng kaniyang mga obra, mala-pelikula rin daw ang script ng buhay ni Direk Joel.
Teenager pa lamang siya nang ideklara ang Martial Law. Pero aktibo na siya sa pagsali sa mga kilos protesta. High school pa lamang si Joel nang sumama siyang itatag ang kilusang “Kabataang Makabayan” sa Cavite.
Hindi lang ako nanood, ako’y nakilahok sa lahat ng nangyayari sa lipunan lalo na nung aking kabataan… Nakita ko ang pangangailangang magmulat ng katotohan sa mga kabataan sa nangyayari sa bayan.
Taong 1973 nang unang makulong si Joel. At tulad ng maraming bihag noong panahon ng Martial Law, nakaranas din siya ng pang-aabuso o physical torture sa piitan. Muli siyang nakulong noong 1977.
Bago siya naging director, kabilang siya sa mga aktor ng Philippine Educational Theater Association (PETA).
Ang training ko sa PETA ang nagsasabi na dapat ang sining ay naglilingkod sa interes ng napakaraming mamamayan. Na hindi lamang dapat magpatawa at magpaiyak ang sining na pelikula, ito’y dapat nagsasabi ng isang partikular na katotohanan na pinaniniwalaan ng napakaraming tao. Isang katotohanan na magsasabi ng nangyayari sa lipunan sa isang partikular na panahon.
Dekada ’90 nang magsimula siyang maging direktor. Taong 2009 nang idinirek niya ang pelikulang Dukot, na naglalarawan ng malawakang human rights violations noong dekada ’70. Naniniwala si Joel na bagama’t tapos na ang Martial Law, may mga bagay na hindi nagbago.
“Mahirap pa rin si Juan dela Cruz. Napakarami pa ring mahirap. Marami ang nagnanakaw. Mas marami ang nagnanakaw sa ating gobyerno.”
Judy Taguiwalo
Sa katekismo unang namulat si Dr. Judy Taguiwalo. Taong 1965 nang kumuha siya ng BS Social Work sa UP Diliman. Naging bahagi siya ng Malayang Kilusan ng Kababaihan (Makibaka).
Noong First Quarter Storm, kasama siya sa mga nagkilos protesta laban sa pamahalaan. Nang ideklara ang Martial Law, nagtago siya, ngunit nahuli makalipas ang isang taon. Nakatakas siya at nagtago muli sa loob ng 10 taon.
They can do whatever they want with you, including salvaging. Katulad na lang ng nangyari sa ibang kasamahan namin.
Sa ikalawang pagkakataon, nahuli si Judy noong 1984. Ipiniit siya sa Kampo Krame habang apat na buwang buntis. Sa piitan na rin siya nanganak. Nakalaya siya matapos ang People Power Revolution noong 1986.
Ngayon, isa nang propesor si Judy sa UP Diliman. At hanggang ngayon, aktibo pa rin siya sa mga pagkilos.
Myrla Baldonado
Isa si Myrla Baldonado sa mga nabiktima ng human rights violations noong administrasyong Marcos. Dinukot siya ng mga di-kilalang kalalakihan at nanatiling “desaparecido” sa loob ng ilang taon.
Matapos ang kanyang bangungot na karanasan, naging caregiver si Myrla sa Amerika at kamakaila’y hinirang ng White House na isa sa mga Women Champions of Change, bilang co-founder ng Chicago Coalition of Household Workers.
Ngayon, matapos ang 10 taong pananatili sa Amerika, bumalik si Myrla upang kunin ang danyos mula sa Republic Act 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013.
Marie Hilao-Enriquez
Nasa kolehiyo naman si Marie Hilao-Enriquez nang ideklara ang Martial Law. Kumukuha siya ng kursong Occupational Therapy sa UP Manila, nang sumali siya sa Kabataang Makabayan.
Sa walong magkakapatid, tatlo silang aktibista. Ang kaniyang kapatid na si Lilia, pinatay ng militar noong 1973. Nang sumunod na taon, naaresto naman si Marie kasama ang kaniyang asawa. Pinagsama sila sa piitan at doon nabuo ang kanilang maliit na pamilya.
Taong 1976, pinalaya si Marie kasama ng iba pang mga political prisoners matapos ang dalawang linggong hunger strike.
Sa ngayon, patuloy pa rin si Marie sa pakikibaka.
—Carlo P. Isla/YA, GMA News & Public Affairs
Mapapanood ang Investigative Documentaries tuwing Huwebes, 8 PM sa GMA News TV.