Filtered by: Newstv
NewsTV

'Tibak' sa 'Investigative Documentaries'


INVESTIGATIVE DOCUMENTARIES
SEPTEMBER 18, 2014 Episode
TIBAK  
Si Bonifacio ”Boni” Ilagan, 17 anyos nang maging aktibista. Pumasok siya sa University of the Philippines Diliman at kumuha ng kursong political science. Naging chairman siya ng Kilusang Makabayan o KM sa UP. Nang ideklara ang batas military noong 1972, isa siya sa mga kabataang kumilos laban sa diktadura. Matapos ang dalawang taon,  ikinulong siya sa Kampo Crame at doon ay pinahirapan.
 
Sa ngayon, si Boni ang vice chairman ng SELDA o Samahan ng mga Ex-Detainee Laban sa Detensyon at Aresto. 
Si Judy Taguiwalo ay tubong Bacolod at napadpad sa UP Diliman noong 15 taong gulang pa lamang siya. Aktibista siya at naging bahagi ng First Quarter Storm. Dalawang beses siyang naaresto at nakaranas ng torture tulad ng pagpapaupo nang hubad sa yelo at pagbuhos ng tubig sa kanyang ilong. Pero siya ay nakatakas kasama ang limang iba pa sa Fort Bonifacio noong 1974. Muling nadakip at nakulong bago ang EDSA revolution.
 
Sa kasalukuyan, bukod sa pagiging propesor sa UP ay co-convenor ng Abolish Pork Barrel Movement si Taguiwalo. Ilan lang ito sa mga isyung kanyang pinagbubuhusan ng panahon.  
Kilalanin natin ang ilan sa mga naging aktibo sa paglaban sa diktadura at ang mga paglaban na patuloy nilang ginagawa.
 
Manood ng Investigative Documentaries ngayong Huwebes, kasama ang 2013 Metrobank Journalist of the Year na si Malou Mangahas sa GMA News TV Channel 11.