PHOTO ESSAY: Mga makasaysayang simbahan sa Pilipinas, naaalagaan o napababayaan?
Noong Oktubre, nasira ng lindol ang ilang makasaysayang simbahan sa Bohol at Cebu. Maraming Pilipino ang nalungkot dito sapagkat apat na siglo nang bahagi ng ating kultura at kasaysayan ang mga nagibang simbahan.
Sa buong bansa, 37 simbahan ang tinaguriang National Cultural Treasure ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA. Ang National Cultural Treasure ang pinakamataas na kategoryang pwedeng maibigay sa isang heritage site. Samantala, 249 naman ang idineklarang historical church ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP.
Dahil dito, dapat pangalagaan ang mga makasaysayang simbahang ito upang tiyaking tatagal ang mga ito. Dagdag pa rito, hindi lamang dapat basta-bastang baguhin ang mga bahagi ng simbahan. Nakasaad sa Presidential Decree No. 1505 na dapat may permiso ng NHCP at NCCA ang anumang pagbabagong nais gawin sa mga lugar at istrukturang idineklarang National Historical Landmark o National Cultural Treasure.
Sa pagsisiyasat ng “Investigative Documentaries,” pinuntahan ng programa ang ilang makasaysayang simbahan upang suriin ang kalagayan ng mga ito at ang mga isinasagawang pagbabago rito.
Basilica de San Martin de Tours
Itinayo noong 1865 ang Basilica de San Martin de Tours sa Taal, Batangas. Ito ang pinakamalaking simbahang Katoliko sa Asya. Orihinal pa rin ang pader nito na gawa sa adobe.
Nagpoprotesta ang ilang residente ng Taal laban sa pamunuan ng simbahan dahil umano sa hindi maayos na preserbasyon nito. Pinangungunahan ng iskultor at architect na si Ramon Orlina ng Taal Church Historical Authentic Restoration Movement ang protesta laban kay Bishop Jose Salazar ng Taal Basilica.
Ilan sa mga dahilan ng pagpoprotesta ni Orlina:
May mga crack na sa harap ng simbahan subalit pinapalitadahan lamang ang mga ito o tinatakpan lamang kaya nandoon pa rin ang mga crack.
Hindi nagtutugma ang mga kulay ng pintura sa iba’t ibang bahagi ng simbahan. Hindi tugma ang altar na gawa sa pilak at ang mga pinturang ginto. Ani Orlina, “Hindi pwedeng gold and silver. Para kang may singsing at necklace na magkaiba.”
May adoration chapel at jubilee hall din na ‘di raw dapat itinayo dahil walang permiso ng NCCA at NHCP.
St. Joseph Parish Church
“Rurog” o “kalansay” sa Tagalog – ganito inilarawan ni Marjorie Baquiran, presidente ng Parish Pastoral Council, ang St. Joseph Parish Church sa Dingras, Ilocos Norte. Itinayo ang Dingras Church noong 1500s. Noong 1987 ito napabilang sa listahan ng historic sites ng NHCP. Halos limang dekada nang sira ang simbahan.
Makailang ulit nang napinsala ng lindol at sunog ang Dingras Chirch, at minsan na rin itong tinamaan ng kidlat. 1938 nang huli itong napinsala ng lindol.
Kuwento ng mga taga-St. Joseph of Dingras Foundation, Inc. na binubuo ng mga Dingrenyos na naninirahan sa Maynila at ibang bansa, wala raw silang natanggap na pondo mula sa gobyerno kahit idineklarang heritage site ang kanilang simbahan. Sila na tuloy ang nangalap ng pondo para maipagawa ang kanilang simbahan.
“Parishioners initiative ito, iyong mga naunang mga pari at saka iyong mga matatandang Catholic Women's League. Sila ang malakas na nagpursige para ma-initiate iyong mga unang hakbang ng pag-restore,” sabi ni Baquiran.
Unang tinutulan ng NHCP ang restoration na pinangunahan ni Msgr. Victor Hernando, kura paroko ng Dingras Church, para ayusin ang harapan ng gumuhong simbahan na unti-unti nang tumatagilid. Plano ng simbahan na tibagin ang orihinal na pader at palitan ito ng bago. “May limang cracks sa facade. Iyong crack ay vertical, ibig sabihin galing sa ibaba so to retrofit o restore it from the original, imposible na iyan,” paliwanag ni Msgr. Hernando. Hindi kalaunan, pumayag ang NHCP subalit tumutol naman ang NCCA.
“Ang pinakamataas na value ay iyong original. Kung reconstructed, mababa kasi para ka na lang gumawa ng bagong gusali na ginaya mo lang iyong lumang gusali. Wala na siyang kasaysayan,” sabi ni Atty. Trixie Angeles, NCCA Legal Consultant and Vice Chairman of the National Committee on Monuments and Sites.
San Bartolome Church
PHOTO COURTESY OF: MALABON PUBLIC INFORMATION OFFICE
Itinayo ang San Bartolome Church sa Malabon noong 1614. Isa itong heritage site. Sa paglipas ng mga taon, unti-unti itong naging makabago at moderno.
Sinimulan ni Fr. Ricardo Torrefiel, kura paroko ng San Bartolome, ang pagpapaayos ng simbahan. “Napansin ko sa unang taon ko pa lang [sa San Bartolome], ang daming anay. Iyon lang tubig dagat nagiging sanhi ng pagkalaho ng mga yero,” paliwanag niya.
Isa sa kaniyang binago ay ang dome ng simbahan na dati’y gawa sa kahoy. “Nakita namin na hindi puwede iyong ganoong kahinang kahoy. Kung lalagyan mo ng magagandang material outside or ceiling inside sayang lang ang pera. So pinalitan namin ng bakal iyong dome at ibinalik panlaban sa kalawang,” paliwanag niya.
Tutol naman ang arkitektong si Richard Bautista na tubong Malabon. Hindi raw wasto ang ginawang pagsasaayos sa simbahan. “Pagkatapos ng giyera, more or less, iyong simbahan ay inayos naman. Nagkaroon ng mga pinta pero hindi tulad ng makikita mo ngayon na pinuno ang pader at kisame,” paliwanag niya.
Bukod sa mga pintura, tutol din si Bautista sa mga magarbong disensyong idinagdag sa simbahan tulad ng paintings na pinalibutan ang dingding ng simbahan at ang kisame nito.
“Ang aking alaala mula pagkabata ay parang binura at hindi lang doon, pati iyong aking mga kababayan ay parang tinanggalan ng lugar sa mundo,” sabi niya.
Immaculada Conception
Isang National Cultural Treasure ang simbahan ng Immaculada Conception sa Balayan, Batangas na mahigit 400 taon nang nakatayo.
Ayon sa batas, kailangan aprubado ng NHCP ang pagtatayo ng mga istruktura sa lupang sakop ng National Cultural Treasure. Subalit noong 2012, isang fast food chain ang itinayo sa gilid ng simbahan na tinutulan ng ilang residente at ng NHCP.
“Sa pagpasok ng mga istrukturang ito ay somehow kabawasan doon sa kaisipan ng buong church ground na supposedly quiet and peaceful so sa pagkakalagay nga niyan medyo nawala na doon, nakabawas,” sabi ni Ruel Rival, history teacher sa Immaculate Conception College.
Para naman sa architect na si Wilkie Delumen, Chief, Historic Preservation, NHCP, dapat “Ang una-una munang talagang by law dapat nga kasi nga protected siya ng heritage law. Lahat ng 50 years above dapat may proper coordination sa NHCP kung anumang ide-develop. Katulad nga ng nasabi ko, we are not against development; however, may proseso.”
Maliban sa itinayong fast food chain, naging paradahan at terminal din ng FX ang harapan ng Immaculada Conception na ikinalungkot naman ng arkitektong si Trixie Angeles ng NCCA.
“Kapag hindi natin ibinibigay ang nararapat na respeto (sa National Cultural Treasures) parang hindi natin nirerespeto ang characteristic natin bilang Pilipino,” aniya.
PHOTO COURTESY OF: FILIPINAS PHOTO COLLECTION
Noong 1588 itinayo ang simbahan ng Malate na isang historical shrine na 425 years old na. Inialay ito sa Nuestra Señora de Remedios, ang patron ng panganganak. Gawa sa adobe, dinurog na kabibe, itlog at luwad ang mga lumang pader nito.Dahil matanda na ang simbahan, humihina na ang mga pader na ito. Upang mapahaba ang buhay ng simbahan, inilunsad ng parokya noong 2010 ang 555 Walk of Thousand Campaign upang makalikom ng pondo.
Paliwanag ni Fr. Michael Martin kung bakit hindi sila humingi ng pondo sa pamahalaan kahit historical shrine ang simbahan, “Ayaw naming humingi kami ng pera kung ang sa katotohanan ang pera nila mula sa mga poor. Ayaw namin ang public money na iyon ang ibibigay nila sa amin.”
Pagdating sa legalidad ng restoration ng simbahan, kumuha ng permiso sa NHCP ang mga namumuno. Bukod pa sa tamang direksyon na ito, siniguro rin ng simbahan na gawa pa rin sa apog at adobe ang mga ipapalit na bloke para umayon sa orihinal na hitsura nito.
— Bernice Sibucao, CM/GMA News