Filtered by: Newstv
NewsTV

"Paslit" sa "Investigative Documentaries"





Sa gitna ng nakatutulig na debate tungkol sa reproductive health bill, tumataas ang bilang ng mga paslit na nagiging magulang. Ito ang makikita sa pinakahuling datos mula sa National Statistics Office (NSO).
 
Ayon sa NSO, kung noong 2006 ay may 154,119 na batang isinilang sa mga inang edad 20 pababa, noong 2010 ay umabot na ito sa 207,898. Taun-taon, tumataas ang bilang ng mga paslit na nagluluwal ng paslit.
 
Isa na rito si Janine, 14 taong gulang. Nitong Hulyo ay isinilang niya ang kanyang panganay. Pero sa siyam na buwan niyang pagbubuntis, pangalan lang ng bata ang kanilang naihanda ng kanyang asawang si Jojo, 22 taong gulang. Malaki ang kanilang bayarin sa ospital dahil sa caesarian operation ang kanyang panganganak dahil hindi kinaya ng kanyang katawan ang normal delivery.
 
Maging ang mga kaibigan ni Janine, maaga ring nagpamilya.
 
Ano ang kahihinatnan ng mga batang nagiging magulang sa panahong dapat ay nasa loob pa lamang sila ng classroom sa elementary school?  
 
Tunghayan ang kuwento ng mga paslit na may paslit sa Investigative Documentaries kasama ang beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas ngayong Huwebes, ika-8 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.