'Investigative Documentaries': Salat sa pagkain
Pagkain ang numero unong pangangailangan ng tao. Tatlong beses isang araw, dapat may nakahain sa mesa para maging malusog ang isang pamilya. Sa Pilipinas, tumataas ang bilang ng mga pamilyang sumasala sa pagkain. Sa katunayan, aabot sa higit apat na milyong pamilya ang nakaranas ng gutom sa lumipas na tatlong buwan, ayon ito sa survey ng Social Weather Stations (SWS) nitong Oktubre. Sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) at National Statistical Coordination Board (NSCB), sapat na raw ang P172 para sa isang pamilya na may limang miyembro para makakain nang sapat araw-araw. Kung susumahin, sa bawat miyembro ng pamilya, halos P12 lang ito para sa almusal, tanghalian, at hapunan. Sapat na ba talaga ito? Sa episode na ito, susubukan nating alamin kung gaano kadisente ang sinasabi ng gobyerno na minimum na halaga para makabili ng disenteng pagkain ang bawat pamilya. Bibisita rin tayo sa mga pamilyang iba-iba ang estado sa buhay para malaman ang laman ng kanilang hapag at kung ano ang regular nilang naihahain sa kanilang pamilya. Manood ng Investigative Documentaries kasama ang beteranang investigative journalist na si Malou Mangahas ngayong Huwebes, ika-8 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.