Hirap at sakripisyo sa pagsasanay ng mga sundalo, alamin sa 'I Juander'
Sa wakas, makalipas ang limang buwan, idineklarang tapos na ang bakbakan sa Marawi sa pagitan ng mga sundalo at teroristang Maute nito lang Oktubre. Pero bago nakamit ang pinakaaasam na tagumpay, ilang buhay muna ang nabuwis at nalagay sa bingit ng kamatayan. Paano nga ba hinuhubog silang mga bayaning nagtatanggol sa bayan ni Juan?
Samahan si Cesar Apolinario na sumabak sa mga aktwal na pagsasanay na pinagdadaanan ng tinaguriang “The Few, The Proud, The Marines.” Mula sa pagpapagupit ng buhok, buwis buhay na mga obstacle course at maging sa istriktong paraan nila ng pagkain. Matagalan kaya ni Cesar ang mabigat nilang training?
Kilalanin din ang mga bagong miyembro ng Marines na kamakailan lang ay nakapagtapos ng anim na buwang training, kabilang na sina Candidate Soldier Donita Rose Dupla at Candidate Soldier Jordan Zabala na pawang nakakuha ng pinaka matataas na grado. Ano nga ba ang mga kinailangan nilang isakripisyo sa ngalan ng pagseserbisyo? Kilalanin din ang isang miyembro nila na pang beauty queen ang dating pero mas pinili maging kasapi ng Marines.