Secrets of Capiz, tutuklasin sa 'I Juander'
I Juander, anu-ano ang mga natatagong paraiso, kultura at kasaysayan ng mga Capiznon?
Sa tinaguriang Seafood Capital ng Pilipinas, hindi lang mabubusog ang tiyan ni Juan sa dami ng kanyang malalantakan, kundi mabubusog din sa ganda ng mga natatagong paraiso rito, at mabubusog din sa kaalaman tungkol sa kultura ng mga Capiznon.
Hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi anim na islet ang dadayuhin ni Susan Enriquez sa probinsya ng Capiz. Ang tawag dito, Little Islands of Ivisan. Pero hindi lang pagkalinaw-linaw na tubig at pinong-pinong buhangin ang pambato nila rito, kundi pati ang natatangi nilang mga yamang-dagat.
Sa bayan naman ng Tapaz matatagpuan ang tribong Tumandok na hanggang sa ngayon, napananatili pa rin ang kanilang makalumang kultura. Gaya ng kanilang tradisyunal na sayaw, sining ng pagbuburda at maging ang sinaunang paraan nila ng pagpapaganda. Ito naman ang dinayo sa Capiz ni Cesar Apolinario.
Alamin din ang kuwento sa likod ng 'di umano'y mapaghimalang si Lola Ibe, ang bangkay na halos siyamnapung taon nang patay pero hindi pa rin daw naaagnas.
Abangan lahat ng 'yan sa part two ng I Juander Capiz Special ngayong Miyerkules, alas-otso nang gabi sa GMA News TV. At samahan sina Susan at Cesar sa pagsagot sa tanong ni Juan:
I Juander, anu-ano ang mga natatagong paraiso, kultura at kasaysayan ng mga Capiznon?