Filtered by: Newstv
NewsTV

'Single si Inay' Mother's day special, ngayong Miyerkules sa 'I Juander'


Hindi lang siya tumatayong ilaw kundi haligi rin ng tahanan. Sa pagpapalaki ng kaniyang mga anak, wala siyang katuwang. Hanggang saan nga ba masusukat ang kanyang pagiging ulirang ina?

Mag-isang pinalalaki ni Lani ang kanyang tatlong anak. At isa sa mga ito, may taglay pa na matinding karamdaman. Tatlong beses kada linggo kung siya'y ipa-dialysis. Hirap na sa pagtatrabaho, hirap pa sa pag-aalaga sa mga anak. Paano kaya kinakaya ni Lani ang pagiging single mom?


Si Lisa naman, para lang maigapang ang mga pangangailangan ng anak na si Aliah, handang pasukin maski ang mga panlalaking trabaho. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho siya bilang line woman o iyong taga-ayos ng mga sirang poste ng kuryente. Pero sa kabila ng pagsasakripisyo ni Lisa, nananatiling mailap sa kanya si Aliah. Maghilom pa kaya ang sugat na dulot ng labindalawang taong pagkakawalay nila sa isa't isa? At kayanin din kaya ni Susan Enriquez ang pagiging line woman?


Bumida ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas sa pelikulang “Ang Tanging Ina”, na nagkaroon pa ng mga sequel. Pero maski sa totoong buhay, katangi-tangi rin pala ang pagiging ina ni Ai-Ai sa kanyang mga anak at anak-anakan sa showbiz. Aalamin ni Cesar Apolinario ang mga hirap at sakripisyo na kanyang pinagdaanan bilang isa ring single mom.


Ngayong Miyerkules, isang espesyal na pagtatanghal ang hatid ng I Juander bilang pagpupugay sa mga ulirang ina. Panoorin ang kahanga-hanga nilang mga kuwento ngayong Miyerkules alas-otso nang gabi sa GMA News TV!