'Pira-pirasong pangarap' dokyu special, ngayong Miyerkules sa 'I Juander'
Gaya ng dagat na kanilang sinisisid, maalat ang kinagisnang kapalaran ng ilang mga batang naninirahan malapit sa Manila Bay. Sa murang edad kasi, paninisid ng pako at patapong mga bakal ang kanilang ikinabubuhay. Makaahon kaya sila sa kahirapan? O tuluyan nang anurin ang kanilang mga pangarap?
Makikilala ni Susan Enriquez ang apat na taong gulang na si Marlon. Sa maagang edad, inako na niya ang responsibilidad na makatulong sa kanyang pamilya. Araw-araw sumisisid siya sa mala-burak na tubig ng Manila Bay para mangalap ng mga pako, hindi alintana ang peligro.
Ang dose anyos naman na si Kenneth, araw-araw nakaabang sa mga papadaong na barko. Ang mga bakal na kanilang itinatapon sa dagat, kanya namang sinisisid para ibenta. Ang pinag-iipunan ni Kenneth, isang simpleng bisikleta para sana hindi na siya maglalakad nang malayo papasok ng eskuwela.
Alamin ang kuwento ng mga batang ito na handang isakripisyo ang kanilang kamusmusan – para lang mabuo ang pira-piraso nilang mga pangarap. Abangan sa I Juander ngayong Miyerkules alas-otso nang gabi sa GMA News TV.