Filtered By: Newstv
NewsTV

12-anyos na batang gumagapas ng mga water lily para makakain, tampok sa 'I Juander'


 


Ayon sa National Statistics Office – noong 2011 nasa mahigit limang milyong batang Pilipino na ang nasasaldak sa child labor. Ang nakababahala - ang bilang daw na ito - patuloy pang tumataas sa paglipas ng bawat taon.

Kabilang sa mga batang tila nahinog sa pilit ang dose anyos na si Tonton. Dala ng kahirapan, napilitan siyang huminto sa pag-aral at maagang magbanat ng buto para makatulong sa kanyang pamilya.

Araw-araw naggagapas si Tonton ng water lily sa ilog malapit sa kanilang lugar sa Taguig. Ang halamang ito na itinuturing na peste, kanyang pinatutuyo para maibenta. Ginagamit kasi ang water lily sa paggawa ng mga produkto gaya ng bayong at dekorasyong pambahay.

Para alamin kung gaano nga ba kahirap ang trabahong ito ni Tonton, sinubukan mismo ni Cesar Apolinario ang lumusong sa maruming ilog para maggapas ng water lily. Samantalang si Susan Enriquez naman, may surpresang inihanda para sa bata.

Pero gaano nga ba “kalalim” ang problema ng Pilipinas pagdating sa child labor? May kinabukasan pa kayang naghihintay para sa mga batang kagaya ni Tonton?

Ito ang inalam nina Susan at Cesar sa isang espesyal na pagtatanghal ng I Juander ngayong Miyerkules, alas-otso nang gabi sa GMA News TV!